300 total views
Inaanyayahan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang kabataan na maging bahagi at bukas ang puso para sa simbahan.
Ayon kay Bishop Uy, dapat na maunawaan ng ang kanilang mahalagang gawain at gampanin sa simbahan at sa pamayanan na kanilang na kinabibilangan.
“Manginlabot gyud ta actively sa mga buluhaton and then ang ilang kasing-kasing ablihan para makasabot sila sa mga pahimangno sa atong Simbahan sa ilahang bililhon kaayo nga papel [Aktibong makiisa sa mga gawain at buksan ang puso para maunawaan ang habilin ng Simbahan sa mahalagang gagampanan ng kabataan],” bahagi ng pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo na ang kabataan ay hindi lamang kinabukasan kundi ang kasalukuyan ng Simbahang Katolika kaya’t mahalagang mananatiling buhay at aktibo ang pakikibahagi sa Simbahan upang mapanatiling masigla ang pananampalatayang Katoliko.
Hinimok ni Bishop Uy ang kabataang Filipino na ugaliin ang pagbisita sa tahanan ng Diyos at higit sa lahat ang makibahagi at manguna sa mga gawaing nagpapaunlad sa espirituwal na buhay ng tao.
Sa ika-23 hanggang 28 ng Abril gaganapin ang pambansang pagtitipon ng mga kabataan sa lalawigan ng Cebu kung saan inaasahan ang mahigit sampung libong kabataan mula sa 86 na mga diyosesis at arkidiyosesis sa Pilipinas.
Ibinahagi ni Bishop Uy maraming delegado mula sa Diyosesis ng Tagbilaran ang dadalo sa National Youth Day 2019 na may temang ‘We Are Servants of the Lord’ kung saan hinikayat ng Obispo ang nasasakupang kabataan na ipakita ang pagiging aktibo ng mga kabataang Bol-anon sa pagsama-sama ng mga kabataan sa bansa at tiniyak ang buong suporta ng Pinuno ng Diyosesis.
“Your Bishop is always with you supporting and telling you to keep on following the Lord in your life daily,” ani ni Bishop Uy.
FILIPINO YOUTH IN MISSION: BELOVED, GIFTED, EMPOWERED!
Sinabi pa ni Bishop Uy na mahalagang malaman ng mga kabataan ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinadama sa bawat tao lalo sa kabataan at kilalanin ang mga biyayang ipinagkaloob sa tao.
Ayon sa obispo kabilang sa biyayang ito ang talento na maaring gamitin ng kabataan sa pakikibahagi sa misyon ng Simbahan ang magpalaganap sa Mabuting Balita ng Panginoon.
Nasasaad sa sulat ni Jeremias kabanata 1 talata 7 kung saan sinabi ni Hesus ‘Huwag mong sabihing bata ka. Sinusugo kita kaya’t humayo ka. Ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo,’ na tatalima sa tema ng Year of the Youth na Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted Empowered.
Umaasa si Bishop Uy na hindi malilimutan ng mga kabataan na mayroon silang natatanging tungkulin sa Simbahang itinatag ni Kristo sa kabila ng iba’t ibang layaw na gumugumon sa lipunang ginagalawan ng sangkatauhan.