173 total views
Iginiit ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje na maliban sa pahintulot ng mga magulang, kailangan din ang pagsang-ayon ng mga kabataan bago tanggapin ang COVID-19 vaccine.
Ipinaliwanag ni Cabotaje na ito’y upang maintindihan at matiyak na bukal sa loob ng bata ang tatanggaping bakuna maging ang magiging epekto nito kapag naiturok na sa katawan.
“Para naman mas maintindihan ng mga bata, nagre-require din ng assent ng bata. ‘Yung hindi siya napipilitang magpabakuna. Alam n’ya ‘yung mga ibibigay sa kanya at ano ‘yung mga possible side effects kung saka-sakali,” pahayag ni Cabotaje sa programang Veritas Pilipinas.
Dagdag pa ng kalihim na sa pamamagitan din nito, maaaring maging instrumento ang mga kabataan bilang tagapagtaguyod ng ligtas na pagpapabakuna na makakatulong upang mahikayat ang iba pa para sa karagdagang kaligtasan laban sa COVID-19.
“By doing that, they can also be advocates to other children of their age na ano ‘yung effect ng bakuna na sila ay wala namang naramdaman pagkabakuna,” saad ni Cabotaje.
Sa anunsyo ng DOH, magsisimula na sa Nobyembre 3 ang nationwide rollout ng COVID-19 vaccine para sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Dito’y tanging ang Pfizer at Moderna vaccines lamang ang maaaring ipamahagi sa mga kabataan, batay na rin sa emergency use authorization mula sa Philippine Food and Drug Administration.
Batay sa tala ng Philippine Statistics Authority, nasa 12.7 milyon ang kabuuang populasyon ng mga kabataang nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang sa buong bansa.
Ayon naman sa huling tala ng DOH noong Oktubre 26, aabot na sa humigit- kumulang 19,000-menor de edad na mayroong comorbidities ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 vaccine sa unang bahagi ng pediatric vaccination sa mga piling ospital sa Metro Manila.