211 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth o CBCP-ECY ang mga kabataan na makilahok sa nakatakdang Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Mayo.
Ayon kay Rev. Fr. Conegundo Garganta – Executive Secretary ng kumisyon ang Sangguniang Kabataan ay isang magandang simula upang hubugin ang kakayahan at kamalayan ng mga kabataan sa pamumuno at paglilingkod sa bayan mula sa pagsisilbi sa kanilang kapwa kabataan.
Sinabi ni Father Garganta na naaangkop lamang na makilahok sa naturang gawain ang mga kabataan upang lumawak ang kanilang kaisipan sa pagiging isang ganap na miyembro ng lipunan.
“Nais po nating tawagin ng pansin ang atin mga kabataan lalo na ang mayroong hangarin at kalooban na lumahok sa gawain lalo na sa darating na gawain for Sangguniang Kabataan SK Election, alam po natin na ito ay isang magandang plataporma para makapagsimula na humubog ng isipan at kakayahan sa pamumuno lalo na sa pagsasaayos ng ating mga maliliit na lugar o pook na nasasakupan…” panawagan ni Father Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Pari, ang pamumuno sa Barangay at Sangguniang Kabataan ay isang opurtunidad upang mapalawak ang kakayahan at malasakit ng bawat mamamayan sa pamayanan.
Iginiit ng Pari na bagamat maituturing na maliit na posisyon at tungkulin lamang ang pamumuno sa isang Barangay ay isa naman itong paraan para lalong mapalalim ang pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan at kapwa.
Dahil dito umaasa si Fr. Garganta na aktibong makikibahagi ang lahat partikular na ang mga kabataan sa nakatakdang halalan upang maibahagi ang kalakasan, talino at kakayahang ipinagkaloob ng Panginoon sa bawat isa.
Kaugnay nito batay sa inisyal na datos ng Commission on Elections o COMELEC ay mahigit 2-milyon ang bilang ng mga registered voters para sa Sangguniang Kabataan mula sa kabuuang 59.5-milyong rehistradong botante sa bansa.
Matatandaang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST ni Pope Francis noong ika-18 ng Enero taong 2015 ay hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.