1,207 total views
Hinimok ng opisyal ng Parish Pastoral for Responsible Voting ang mga kabataan na maging aktibo sa pagbabantay at paglilingkod sa gaganaping halalan sa Mayo.
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Noel Nuguid, Director ng Diocesan Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV- Diocese of Balanga), kaugnay sa kanilang paghahangand na makahanap pa ng mga karagdagang volunteers para sa May 9, 2022 Election.
Ayon kay Fr. Nuguid, kailangan nila ang mga kabataan para matagumpay na mabantayan at maihatid ang makatotohanang impormasyon sa darating na halalan.
Kinilala ng Pari na malaki ang maiaambag ng mga kabataan lalo na sa kaalamang teknika.
“isa sa mga bagay na matingkad ay paanyaya sa mga kabataan lalo higit nasa loob pa din tayo ng pandemya, pangalawa may mga teknikal na pangangailangan at ang higit na makakatugon nito ay mga kabataan”pahayag ni Fr. Nuguid sa panayam ng Radyo Veritas.
Nagagalak naman ang Pari na aktibo ang mga kabataan sa iba’t-ibang parokya sa Diyosesis ng Balanga.
“Sa pagpunta namin sa ibat-ibang Parokya mas marami na ang mga kabataan kaysa sa mga may edad na”.kuwento ni Fr. Nuguid.
Tiniyak naman ng Pari na paiigtingin ng Diocesan PPCRV ng Diocese ng Balanga ang information dessimination at voters education lalo na’t papalapit na ang halalan.
“Katulad pa din ng dati ang PPCRV ay nakikipag-ugnayan sa COMELEC, sa PNP at sa DepEd, yun ang ginagawa ng Simbahan na pakikipag-collaboration pero sa loob ng Simbahan patuloy yung paanyaya para dumami yung mga volunteers sa magiging eleksyon sa May 2022” paglalahad ng Pari.
Batay sa datos ng Commission on Election o COMELEC, 56 na porysento ng mga rehistradong botante ngayong halalan ay napapabilang sa edad na 18 hanggang 41.
Tinatayang nasa 7.29 million ng mga botante ang nasa Central Luzon kung saan napapabilang ang lalawigan ng Bataan o ang Diyosesis ng Balanga.