361 total views
Mahalagang makibahagi ang mga kabataan sa mga kasalukuyang usaping panlipunan na magsisilbing batayan ng hinaharap at kinabukasan ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon – Chairman, CBCP Episcopal Commission on Youth kaugnay sa naganap na TEND TALKS: A Webinar on Death Penalty.
Ayon sa Obispo, ang usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa ay isang usapin na dapat na maging aktibo ang mga kabataan upang mapigilan ang muling pagsasabatas ng hindi makatao at maka-Diyos na parusa.
Umaasa rin si Bishop Alarcon na maging epektibong paraan ang naging talakayan upang higit na mapaunawa sa mga kabataan ang dapat na pagsusulong sa restorative justice sa bansa sa halip na pagbabalik ng parusang kamatayan.
“Dear young people why should we be concern, because this is about us, our community our culture and our future. I trust this webinar will promote awareness, understanding, and commitment to action against death penalty towards restorative justice.” ang pahayag ni Daet Bishop Rex Andrew Alarcon.
Ipinaliwanag ng Obispo na bilang mga Kristiyano at taga-sunod ni Kristo ay dapat higit maunawaan ng bawat isa na ang pag-ibig ay higit na mas matimbang sa galit at ang awa ay higit na mas matimbang sa paghihiganti.
Pagbabahagi ni Bishop Alarcon, ang pag-ibig at awa ay pawang nagsasantabi sa anumang uri ng karahasan, pang-aabuso at higit sa lahat ay pagpatay. Iginiit ng Obispo na pag-ibig, awa at katarungan na nagmula sa Panginoon ay nangangahulugan ng buhay at pagbabagong buhay para sa mga naligaw o nakagawa ng kasalanan.
“As followers of Jesus we believe love is stronger than hate, mercy is stronger than revenge, love and mercy says no to abuse, exploitation, and murder. Justice, love and mercy are a call to convertion to restoration. Justice, love and mercy are a call to life.” Dagdag pa ni Bishop Alarcon.
Ang TEND TALKS: A Webinar on Death Penalty ay magkatuwang na inorganisa ng CBCP – Episcopal Commission on Youth (ECY) at CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.