706 total views
Nagkaloob ng isang araw na Pre-Youth Summit for Peace ang Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) upang bigyang-diin ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan para sa pagkamit ng ganap na kalayaan sa bansa.
Ayon sa PEPP na pinamumunuan bilang co-chairpersons nina Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio J. Ledesma, SJ, at Ecumenical Bishops Forum Bishop Rex B. Reyes, Jr., layunin ng isang araw na pagtitipon na buksan ang kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng ganap na pagkakaisa at kalayaan sa bansa.
Nakapaloob sa naging talakayan ang hangarin ng iba’t ibang sektor partikular na ang Simbahan na lutasin at mawakasan na ang armadong tunggalian sa pamamagitan ng paggalang sa karapatang pantao at pagtugon sa sosyo-ekonomikong reporma ng mamamayang Pilipino.
“This one-day activity delved deep into the role of the young people for peace, and in accompanying one another to be heralds and ambassadors of peace. The young people are integral to peace-building efforts,” mensahe ng (PEPP).
Temang ng naganap na Pre Youth Summit for Peace noong ika-18 ng Hunyo, 2022 ang “The Youth: Doers and Bearers of Peace” kung saan tinalakay ang mga usapin at ugat ng armadong tunggalian sa Pilipinas.
Kabilang sa mga nakibahagi sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Student Christian Movement of the Philippines – SCMP kung saan isa sa nagsilbing tagapagsalita ay si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago.