313 total views
Kinakailangan ang pakikisangkot ng bawat mamamayan kabilang na ang mga kabataan sa mga usaping panlipunan tulad ng nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ito ang bahagi ng liham paanyaya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Youth kaugnay sa kasalukuyang nagaganap na voters registration at paghahanda para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Sa ilalim ng Young Davids program ng CBCP-Episcopal Commission on Youth ay inaanyayahan ng komisyon ang lahat ng mga youth ministers mula sa 86 na mga diyosesis sa buong bansa at mga member-organizations ng Federation of National Youth Organizations (FNYO) na makibahagi sa pagpapalaganap ng non-partisan voter registration and education campaign para sa mga kabataan.
“The Young Davids program of the CBCP-Episcopal Commission on Youth is conducting a non-partisan voter registration and education campaign. The CBCP-ECY seeks to partner with you (Diocesean Youth Councils and National Councils of Federation of National Youth Organizations members) to promote value-based civic engagement to prapare our young people for this coming May elections.” paanyaya ng CBCP-Episcopal Commission on Youth.
Bahagi ng kampanya ay ang pagsusulong at pagbabahagi ng kaalaman sa mga kabataan sa kahalagahan ng pagboto ng mga Filipino sa halalan.
Kaakibat din nito ang pagbibigay diin sa tungkuling iniatang ng Panginoon sa bawat isa na maging tagapangalaga at tagapangasiwa ng daigdig sa pamamagitan ng pagiging mabuting kasapi ng lipunan na naninindigan para sa ikabubuti ng kapakanan ng mas nakararami o ng common good.
“Its aim is to lead young learners to appreciate the value of voting as their right and responsibility as Filipino citizens, and of democracy as a gift and a stewardship from God as followers of Christ.” Dagdag pa ng komisyon.
Hango ang voters registration campaign ng CBCP-Episcopal Commission on Youth sa “Tamang Kandidato sa Election 2022 o TamaKa” na isang module ng Bawat Isa Mahalaga citizen’s movement na nagsusulong ng maayos at maka-Diyos na pamamahala sa bansa.
Nakapaloob sa nasabing TamaKa modeule ang 2-hour interactive voter education session na inaasahan higit na makatutulong sa mas madaling paggabay sa mga kabataan sa kanilang mahalagang papel na ginagampanan sa lipunan sa pamamagitan ng pagiging isang matalino at mapanuring botante sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.