231 total views
Inaanyayahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan na makiisa sa paglulunsad ng Laudato Si Gen (Generation) – Pilipinas, ngayong ika-22 ng Hunyo, araw ng sabado.
Ayon kay Cardinal Tagle, mahalagang matutunan ng mga kabataan kung paano maisasabuhay ang encyclical ng Kanyang Kabanalan Francisco na patungkol sa Kalikasan o ang Laudato Si.
Iginiit ng Kardinal na mahalagang matutunan sa murang edad pa lamang ang tamang pangangalaga sa kapaligiran dahil ito ay katumbas din ng pangangalaga sa kapwa.
Naniniwala si Cardinal Tagle na kung magagawa ng mamamayan ang tamang istilo ng pamumuhay na hindi nakasisira sa kalikasan ay maaari pang madatnan ng susunod na henerasyon ang kagandahan ng daigdig na biyaya ng Panginoon.
“Ito ay panawagan sa mga kabataan, habang bata kayo ay matutunan na kung paano pangalagaan ang ating mundo at ang kapwa, sa pamamagitan ng tamang espirituwalidad at tamang istilo ng buhay… Alagaan nain an gating kalikasan, an gating mundo, nang meron pa tayong maipasang mundo sa susunod na henerasyon.” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radyo Veritas.
Unang nagpahayag ng pakikiisa sina Balanga Bishop Ruperto Santos at, San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa paglulunsad ng Laudato Si Gen-Pilipinas.
Read: CBCP-ECMI, nakikiisa sa 4-taong anibersaryo ng Laudato Si
Inaasahan namang libu-libong mga mananampalataya at mga kabataan ang makikiisa sa gaganaping pagdiriwang simula alas syete ng umaga sa Hardin ng mga Bulaklak sa Quezon Memorial Circle.
Ang paglulunsad na ito ng Laudato Si Gen ay bahagi din ng pagdiriwang ng ika-apat na taon ng Encyclical na Laudato Si na isinulat ng Santo Papa.
Kaugnay dito, kamakailan lamang ay muling inihayag ni Pope Francis ang “Climate Emergency” na umiiral ngayon sa mundo.
Bunsod nito nanawagan ang Santo Papa sa bawat tao ng kagyat na solusyon upang mabawasan ang carbon emissions at maibsan ang sobrang pag-init ng daigdig.