529 total views
Nanawagan ng pakikiisa ang CBCP Episcopal Commission on Health Care sa mga mamamayan partikular na sa mga kabataan upang maipalaganap ang kaalaman at kamalayan sa sakit na HIV-AIDS na isa sa itinuturing na pandaigdigang problema na unting-unting lumalaganap sa bansa.
Ayon kay Rev. Father Dan Cancino – Executive Secretary ng kumisyon, mahalagang makiisa ang lahat lalo na ang mga kabataan sa nakatakdang National Catholic AIDS Sunday na ginugunita tuwing unang Linggo ng Disyembre upang mas mapalalim ang kaalaman ng bawat isa sa naturang sakit.
Paliwanag ng Pari, ang mga kabataan sa kasalukuyan ang pinaka-naaapektuhan ng naturang sakit kung saan mas tumataas ang kaso mula sa edad 15 hanggang 24 na taong gulang.
“Iniimbitahan ko po ang ating lahat ng mga Kapanalig, tuwing unang Linggo po ng Disyembre pinagdiriwang po natin yung National Catholic AIDS Sunday, ito po ay isang araw para mapataas natin yung kaalaman, yung awareness at kamalayan lalong lalo na yung mga kabataan na naaapektuhan ngayon ng isang pandaigdigang problema yung HIV at AIDS. Dito sa ating bansa ang karamihan ng naaapektuhan ay ang ating mga kabataan tumataas yung kaso mula 15-years old hanggang 24-years old, so ito yung kinabukasan ng bayan natin mga highschool at mga college students natin…” pahayag ni Father Cancino sa panayam sa Radio Veritas.
Sa linggo, ika-apat ng Disyembre 2016, isang awareness session / conference ang isasagawa sa Chapel of the Eucharistic Lord sa 5th Floor ng SM Megamall sa Edsa, Mandaluyong upang talakayin at mas mapalawak pa ang kaaalaman tungkol sa HIV AIDS.
Sa ulat ng Department of Health tumaas ng 39-porsiyento ang naitalang bilang ng kumpirmadong may HIV AIDS sa bansa simula buwan ng Enero hanggang Marso 2016.
Dahil dito sa kasalukuyan, mayroon nang 31,911 kaso ng HIV AIDS sa Pilipinas simula noong 1984 kung saan nakapagtatala ang DOH ng 300 bagong kaso ng HIV/AIDS sa bansa kada araw.