708 total views
Inaanyayahan ni Rev. Fr. Cunegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth ang mga kabataan na maging bukas at aktibo sa pagbubukas ng Year of the Youth.
Ayon sa pari, sinabi ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isinagawang Synod of Bishops na malaki ang inaasahan ng simbahan sa mga kabataan.
Dahil dito, hinihimok din ang mga Obispo, pari, at mga relihiyoso na pakinggan ang tinig at opinyon ng mga kabataan dahil sila ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas at pagbubuo ng pamayanang simbahan at ng pananampalatayang Kristiyano.
“Inaanyayahan ko ang mga kabataan sa lahat ng antas na magpakita ng kabukasan sa paglahok, dahil sa taong ito, inaasahang higit na maririnig at mararamdaman ang inyong tinig para sa patuloy na pagsisikap na palakasin ang ating buhay bilang pamayanang nananampalataya, bilang simbahan at bilang tagasunod kay Kristo.” pahayag ni Father Garganta sa Radyo Veritas.
Ngayong darating na pagdiriwang ng kapistahan ng Kristong Hari, pormal nang magtatapos ang liturgical year ng simbahan na Year of the Clergy and Consecrated Persons, at magbubukas naman ang bagong taon ng liturhiya na Year of the Youth.
Tema sa taon ng mga kabataan ang “Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered.
Dahil dito umaasa ang CBCP Episcopal Commission on Youth na ang darating na bagong taon sa simbahan ay mas magiging masigla dahil ang mga kabataan ay hindi lamang tinitignan bilang kinabukasan kun’di inaasahan din na maghuhubog sa kasalukuyang kalagayan ng simbahan.
“Kayo na rin ang kasalukuyang inaasahan ng ating simbahan na s’yang pagkukunan ng mga bagong pananaw ng malakas na pagsisikap para sa buhay pananampalataya at gayun din ng maraming mga paninindigan para sa pagsasaayos at pagtutuwid ng ating buhay panlipunan.” Dagdag pa ni Father Garganta.
Ang Year Youth ang ikapito sa mga temang inilahad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, upang maihanda ang mga mananampalataya sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.