301 total views
Nararapat ring makibahagi sa paninindigan sa soberanya ng bansa ang mga kabataan.
Ito ang panawagan ni Akbayan Youth Chairperson Rafaela David kaugnay sa inilabas na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Netherlands pabor sa isinampang kaso ng Pilipinas laban sa China hinggil sa Maritime Entitlement ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Paliwanag ni David, sa kabila ng pagpabor ng International Arbitral Court sa panig ng Pilipinas ay hindi pa rin nararapat na tumigil ang mga Filipino partikular na ang mga kabataan sa pagsusulong ng paninindigan sa soberenya lalo’t una na nang iginiit ng China ang hindi pagkilala sa desisyon ng korte.
“Ang panawagan natin sa mga henerasyon ngayon yung tinatawag nating ‘Millennials’ ay dapat sumama tayo sa laban na ito meron na tayong mga ilang kabataang sumama, may mga ilan ngang pumunta pa doon para sabihing ‘sa atin ito kaya pwede tayong pumunta kahit kelan natin gusto’ kaya sumama dun sa ganung klaseng kampanya, ganung klaseng laban para sa ating kalayaan dahil sa huli itong bansang ito ay para sa atin din namang mga kabataan…” ang bahagi ng pahayag ni David sa panayam sa Radio Veritas.
Matatandaang, aabot sa 10,000 na kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan sa bansa ang lumahok sa Freedom Voyage na paglalayag sa karagatang sakop ng West Philippine Sea upang manindigan at ipakita ang pagkakaisa ng kabataang Filipino sa naturang usapin.
Samantala, ang pinag-aagawang teritoryo ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Hulyo ng nakalipas na taon nang nagpalabas ng Oratio Imperata ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nananawagan sa mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin para sa payapang paglutas sa territorial dispute sa West Philippine Sea.