182 total views
Ito ang mensahe ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani sa mga kabataang nagsidalo sa taunang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
“Sa kasalukuyang panahon, ngayon na ay nakasalalay ang kinabukasan ng bansa…at ang present na ng ating bansa. At kung ano ang kalalabasan nito e nasa kanila ng mga kamay. Kaya’t mahalaga kung anong klaseng tao sila,” ayon sa obispo.
Ayon sa obispo, nawa ay maipagpatuloy din ng kabataan ang debosyon at pananampalataya sa Diyos na magpapasalin-salin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
“Humanap ng idolo na talagang mapapamarisan. Hindi naman sa kwan e, me isang idolo na hindi mapagmahal sa buhay kapwa tao, mapagmura pa nga at mapanglait sa kapwa tao. ‘Wag naman nilang bigyang applause ang mga taong ganun,” giit ng Obispo.
Paalala din ng obispo na ang Poong Hesus Nazareno ay siyang higit na dapat kilalanin ng kabataan bilang idolo na dapat tularan at hindi yaong mga huwad na diyos-diyosan.
“Harinawa ay magpakatao. At hanapin ang magiging modelo nila sa pagpapakatao. At i-reject na mailagay sa posisyon ng pamamahala sa ating bansa ‘yung mga tao na hindi katulad ng ating Panginoong Hesukristo na nagmalasakit unang-una para sa Diyos, ang Diyos ay kaniyang parangalan. At ikalawa, nagmalakasakit sa kapwa tao,” paliwanag ni Bishop Bacani.
Natataon din ang pagdiriwang ng Traslacion sa pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ng ‘Year of the Youth’ bilang pagbibigay diin sa kahalagahan at kakayahan ng kabataan kasabay na rin ng paghahanda ng bansa sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Mula sa mahigit 80 porsiyentong Katoliko sa kabuuang populasyon ng Pilipinas may 20 porsiyento ay mga kabataang nasa edad 15 hanggang 24.