9,519 total views
Ikinadismaya ng Kabataan partylist ang mahinang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng soberanya ng Pilipinas.
Ayon kay Sarah Elago, kinatawan ng grupo, kinakailangang paigtingin pa ng mga kabataan ang pagsusulong at panghihikayat sa pamahalaan na pigilan ang China na maangkin ang West Philippine Sea.
Inihayag ni Elago na sisikapin ng kanilang grupo na himukin ang mga kasamahan sa Kongreso upang palakasin ng pangulo ang diplomatikong protesta laban sa China.
“Yung mga sinabi ng Pangulo tungkol sa soberanya ay pareho pa rin ng nasabi n’ya noon, walang bago. Kaya nababahala tayo na sa kabila ng mga panawagan ng ating mga kababayan na magkaroon ng malinaw at malakas na diplomatikong protesta ang ating bansa ay ganun pa rin ang ating narinig.” pahayag ni Elago sa Radyo Veritas.
Sang-ayon sa panlipunang turo ng Simbahan, ang gabay sa pakikipag-ugnayan ng mga bansa sa isa’t-isa, ay tulad ng gabay sa pakikipagkapwa-tao.
Sinasabi na kailangang nakaugat ito sa katotohanan, katarungan, at pakikiisang may paggalang sa kasarinlan ng bawat mga bansa.
RE-IMPOSITION OF DEATH PENALTY
Samantala, ikinababahala din ng grupo ang pahayag ng pangulo na pagbabalik ng Death Penalty sa Pilipinas.
Aniya, kung mananatiling mabagal at hindi maayos ang justice system ng bansa, ay magiging anti-poor lamang ang pagsusulong ng batas na ito.
“Sa isang justice system, kung saan yung mga mahihirap at mga walang kalaban-laban ang naaapi at naiipit sa kahinaan ng ating justice system, magiging talagang anti-poor lang ang reimposition of death penalty.” pahayag ni Elago.
Inihayag ni Elago na sa halip na isulong ang death penalty ay makabubuting tutukan ng pamahalaan ang lumalalang kahirapan na sanhi ng lumalalang kriminalidad sa Pilipinas.
“Imbis na reimposition of death penalty na napatunayan na naman nitong nakaraang taon na tuloy-tuloy yung pamamaslang sa ilalim ng Duterte administration, hindi yan naging deterent para hindi lumala ang problema, so ibig sabihin meron pa rin tayong mga kailangang gawin.” dagdag pa ni Elago.
Batay sa datos ng World Coalition Against the Death Penalty, umaabot na sa 107-bansa ang nagbuwag ng parusang kamatayan kabilang na ang Pilipinas noong 2006 sa ilalim ng Administrasyong Arroyo.
Naninindigan naman ang Simbahang Katolika sa pagtataguyod ng buhay at pagbibigay ng pangalawang pagkakataon upang magsisi at makapagbagong buhay ang mga nagkakasala.