39,200 total views
Itinakda sa Diyosesis ng Calbayog ang susunod na Regional Youth Day 2026 na pagtipon-tipon ng mga kabataang mananampalataya ng Central at Eastern Visayas region.
Sa pagtatapos ng apat na araw na pagtitipon ng mga kabataan sa rehiyon na naganap sa Diyosesis ng Tagbilaran noong ika-16 hanggang ika-19 ng Nobyembre, 2023 ay inihayag na ang magsisilbing host ng 7th Regional Youth Day 2026 ay ang Diyosesis ng Calbayog.
Pinangunahan ni Diocese of Talibon Bishop Patrick Daniel Parcon ang closing mass kung saan binigyang diin ng Obispo na ang mga kabataan ay hindi basta pag-asa o kinabukasan ng Simbahan sa halip ay isang regalo ng Panginoon upang mapatatag ang Simbahan sa kasalukuyang panahon.
Paliwanag ng Obispo, mahalaga para sa Simbahan ang angking talento, kakayahan at liksi na ipinagkaloob ng Diyos sa bawat kabataan.
“It is a great joy to see you here gathered together as God’s wonderful gifts to the church. We truly appreciate your presence, we truly appreciate what you have done in the church, we truly appreciate your individual talents and capacities as young people of our church. Many people will say that you are the future of the church, you are not, you are the present of the church, you are a gift wonderful gift to the church.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Parcon.
Batay sa tala, umabot ng halos isang libo ang mga nakibahaging delegado sa katatapos lamang na Regional Youth Days ng mga kabataang mananampalataya ng Central at Eastern Visayas na nagmula sa mga Arkidiyosesis ng Cebu at Palo, Diyosesis ng Maasin, Talibon, Calbayog, Borongan, Catarman, Naval, Dumaguete at Tagbilaran.
Tema ng naganap na pagtitipon ang ‘Mary Arose with Haste’ na hango sa tema ng World Youth Day 2023.
Layunin ng pagtitipon na ibahagi sa mga kabataaang hindi nakadalo sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan sa Lisbon, Portugal ang mga karanasan at aral na natutuhan ng mga delegado sa pagsasabuhay sa misyon ng Simbahan na maging sinodal na handang makilakbay sa bawat mananampalataya sa kabila ng pagkakaiba ng lahi, tradisyon at lipi na kinabibilangan.
Pinangunahan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang Banal na Misa sa pagbubukas ng Regional Youth Days noong ika-16 ng Nobyembre, 2023 kung saan binigyang diin ng Obispo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapatuloy ng misyon ni Hesus sa sanlibutan.