262 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mga kabataan na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa kapwa tungo sa mas nagkakaisang pamayanan.
Ayon sa Obispo, malaki ang gampanin ng kabataan sa pagkamit ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipag-usap maging iba man ang pananaw at pananampalatayang kinagisnan ng kapwa.
“Ang hamon sa kabataan ay to communicate or to have a dialogue maging kung ito man ay sa ibang denominasyon,” pahayag ni Bishop Gaa sa Radio Veritas.
Binigyang pansin ng Obispo ang kawalan ng sapat na pakikipagdiyalogo sa lipunan lalo na ng mga kabataan na dahilan ng hindi pagkakaunawaan na kadalasang humahantong sa karahasan.
Ang mensahe ni Bishop Gaa ay kasabay ng pagdiriwang ng ika – 25 anibersaryo ng mga volunteers ng diyosesis sa makasaysayang World Youth Day noong 1995 na pinangunahan ni Saint John Paul II.
Ang nasabing pagtitipon ay itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa buong mundo kung saan mahigit sa limang milyon ang mga mananampalatayang dumalo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa Luneta.
Pinuna ni Bishop Gaa ang pagkahumaling ng kabataan sa gadget na isa sa mga maituturing na sanhi ng kawalang interes sa pakikipagdiyalogo tungo sa mapayapang lipunan.
Sa Pilipinas, tinututukan ng simbahan ang ikawalong paksa sa siyam na taong paghahanda sa ikalimang sentenaryo kung saan ngayong taon ay itinalaga para sa ‘Year of Ecumenism, Inter-religious Dialouge and Indigenous People sa temang Dialogue towards harmony.’
“Ang kabataan ngayon ay kulang sa dialogue, ang dialogue nila ay nasa gadget, siguro mas maganda isantabi muna natin ang gadget,”panawagan ni Bishop Gaa.