184 total views
Ipagpatuloy ang pagiging misyonero ng kabataan, maging Cyber Missionaries.
Ito ang hamon ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco matapos ang Mission Week at Diocesan Youth Day ng Cubao, na ginanap sa Sta. Maria Dela Strada Parish noong ika-30 ng Nobyembre.
Naniniwala ang Obisop na maraming magagawa at mai-aambag ang mga kabataan sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos lalo na sa Social Media.
“Share the word become cyber missionaries marami tayong magagawa. Yan ang aking hamon, yan ang aking hinihiling sa inyo, marami kayong ma-co-contribute para manatiling buhay, banal ang ating simbahan sa Diocese of Cubao.” bahagi ng pagninilay ni Bishop Ongtioco.
Ipinaalala ng Obispo sa mga kabataan na huwag susuko dahil laging kasama ng bawat isa ang Panginoon.
Pinayuhan din ng Obispo ang mga kabataan na panatilihing nag-aalab ang pananampalataya at pag-ibig sa Diyos na siyang magbibigay init sa buhay at pananampalataya ng kapwa.
“Kabataan dumadaan ka man ng kahirapan wag mong kalilimutan may diyos na tumatapik sayo upang gabayan ka sa buhay mo… Keep the burning love of God in your heart’s share it with the world because the moment that fire stops burning who, knows many would die of the cold.” Dagdag pa ng Obispo.
Tiwala naman si Bishop Ongtioco sa kakayahan ng mga kabataan na pagbuklurin ang lipunan sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananampalataya.
“Yan ang isa sa hangarin ng ating Panginoon, magkaisa, kaya ecumenism, interreligious dialogue ang Diyos ay kumikilos hindi lamang sa mga Roman Catholics kun’di sa lahat ng mga tao, sa puso ng bawat tao, at mahalaga yung contribution ng kabataan to respect the culture, the views of others, magkaisa sa Panginoon sa pagpapalaganap ng pagtutulungan, pagsuporta , pagmamahalan.” Dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Sa pagtatapos ng liturhikal na taon ng simbahan, at pagsisimulang muli ng panahon ng Adbiyento ipagdiriwang din sa Pilipinas bilang tema ng paghahanda sa ika-500 taon ng Krtitiyanismo sa Pilipinas ang Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples.
Umaasa ang simbahang katolika na makatutulong ang mga tema ng taong ito upang makapagnilay at mapalakas ng bawat isa ang kanilang pananampalataya.