421 total views
Mahalaga ang pananalangin lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan humaharap ang buong daigdig sa krisis na dulot na Coronavirus Disease 2019 pandemic.
Ito ang mensahe ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa worldwide prayer event na “One Million Children Praying the Rosary Campaign” ng Pontifical Foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN).
Ayon sa Obispo na chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity, higit na mahalaga ang pananalangin sa pagharap ng bansa sa anumang banta ng panganib o kapahamakan.
Inihayag ni Bishop Pabillo na magandang maagang mamulat ang mga bata sa kahalagahan ng pagdarasal lalo na ng Santo Rosaryo sa paggabay ng mga magulang.
“Sa ating panahon ngayon ay talagang kailangan nating magdasal at yung mga bata mismo ay turuan na nating magdasal kaya maganda yung program yung campaign na yung One Million Children Praying the Rosary at sana po maging kasama ang mga anak ng mga magulang, ang mga apo ng mga lolo at lola, isama niyo po sila [sa pananalangin ng Santo Rosaryo] at wala pong masama na bata pa ang mga tao ay alam na nila na magdasal…”pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Bagamat karaniwang inaaalay para sa kapayapaan, pagkakaisa at kapakanan ng mga Kristyanong dumaranas ng pag-uusig ang intensyon ng taunang One Million Children Praying the Rosary Campaign, ay inialay ito ngayong taon para sa tuluyan ng pagwawakas ng COVID-19 pandemic.
Tinagurian ang Worldwide Prayer Event ngayong taon na One Million Children Praying the Rosary to end COVID-19 na naglalayong magkaisa ang lahat sa pananalangin ng Santo Rosaryo at pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang matapos na ang pandemya.
Hango ang naturang Worldwide Prayer Event ng pontifical foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need (ACN) sa mga pahayag ni Saint Padre Pio na “When one million children pray the rosary, the world will change” na layuning isulong ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng sabay-sabay na pananalangin ng mga kabataan ng Santo Rosaryo mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Inilunsad ang pandaigdigang pananalangin ng Santo Rosaryo ng mga kabataan sa Caracas, Venezuela taong 2005 kung saan umaabot na sa mahigit 80-bansa ang taunang nakikibahagi sa kampanya kabilang na ang Pilipinas matapos itong ilunsad sa bansa taong 2016.