536 total views
Kinilala ni Father Franz Dizon – Parochial Vicar ng Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora dela Asuncion, Bulakan, Bulacan, ang kabayanihan ng 5 fallen Bulacan rescuers.
Ipinahayag din ng Pari ang pakikiramay at panalangin sa naiwang pamilya ng mga nasawing rescuers na sina George Agustin, Troy Justin P. Agustin, Marby A. Bartolome, Jerson L. Resurreccion.
“Alalahanin mo sa iyong kaharian ang aming limang kapatid na yumao sa pagbubuwis ng kanilang buhay upang sagipin ang mga kababayan naming nasa panganib noong kasagsagan ng Bagyong Karding pagpalain mo rin po ang kanilang pamilyang naulila, ang kanilang mga nagdadalamhating mahal sa buhay, huwag nawa silang panawan ng pagasa Panginoon kungdi sana’y mapuno sila ng pananampalataya sayo at ang kanilang kabayanihan ay maging inspirasyon nila at gayundin naming lahat na kagaya ng iyong anak ay ialay ang sarili para mabuhay ang iba,” ayon sa ipinadalang pananalangin ni Father Dizon sa Radio Veritas.
Iniulat naman ni Father Robert Cross – Parish Priest ng San Roque Parish sa Baluarte, Gapan Nueva Ecija na nananatiling hirap sa komunikasyon ang sampung baranggay na nasasakupan ng parokya.
Ayon kay fr. Cross, bukod sa pagkawala ng kuryente ay sinira din ng bagyo ang maraming bahay sa mga barangay.
Sinabi ng Pari na nasira din ang kisame ng sakristi at labas na bahagi ng simbahan dahil sa malalakas na hangin at pag-ulan na dulot ng bagyo.
“Pasensya na wala po akong detalye daily, maraming lugar dito ang walang kuryente at hindi pa passable, mobile data lang ang gamit ko at wala ring kuryente, low battery na rin po, immediate needs dito I’m is sure mga materials para sa pagkumpuni ng mga bahay, yero, kahoy at pako,” ayon sa mensaheng ipinadala ng Father Cross sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling situation report ng National Disaster Risk Reduction Management Council ay sampung katao na nasawi mula sa mga lalawigan ng Bulacan, Zambales, Quezon at Rizal at walong katao pa ang nawawala sa mga lalawigan ng Rizal, Quezon at Camarines Norte.