530 total views
Ikinadismaya ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang kabiguan ng pamahalaan na tugunan ang lumalalang krisis ng kahirapan sa Pilipinas.
Ayon kay Eufemia Doringo – Secretary General ng KADAMAY, ang kakulangan ng pamahalaan na alamin ang dinaranas na kahirapan dulot ng pandemya at krisis sa ekonomiya ang sanhi ng patuloy na pagdami ng mga mahihirap na pamilya sa bansa.
“Parami nang parami ang nagugutom at mahihirap, ang hindi maunawaan ng mga nasa Malacañang, iba ang kalam ng sikmura ng ordinaryong tao, sila kapag nagutom, dahil lang may “cravings” sila, Kami, dahil wala talagang makain,” pahayag ni Doringo sa Radio Veritas.
Sa pinakahuling Social Weather Station survey, umaabot na sa 12.2-milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap noong Hunyo 2022.
Kinundena rin ng KADAMAY ang patuloy na pagbabawas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na umabot sa 1.3-milyong pamilya at patuloy na pagdadagdag ng buwis sa mga bilihin at serbisyo.
“Maraming numero na binanggit si Marcos nung SONA, pero wala tayong narinig na numero para sa serbisyong sosyal. Magpa-update na lang ba sila habang nagdurusa ang mamamayan?,” ayon pa sa mensahe ni Doringo sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ng KADAMAY ang pagpapatuloy ng mga programa upang matulungan ang urban poor families sa pamamagitan ng programang ‘Tanimang Bayan’ – Urban Gardening’ at ‘Kusinang Bayan’ titiyak na mayroong pagkain ang mahihirap.
Patuloy naman ang pagtugon ng Caritas Manila at iba pang church institutions sa pangangailangan ng mahihirap na pamilya. Sa pagsisimula ng pandemya noong 2020 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 2.5-bilyong piso ang nailaan na pondo ng Social Arm ng Archdiocese of Manila upang matulungan ang mahihirap at ang mga nasalanta ng kalamidad.