413 total views
Hangarin ng simbahan ang pagsusulong sa ‘kabutihan para sa mas nakakarami’.
Ito ang dahilan ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa kung bakit nakikibahagi ang simbahan sa proseso ng botohan o ang pagpili sa mga susunod na pinuno ng bayan para sa nalalapit na national and Local elections sa Mayo 2022.
Paliwanag ng obispo, kailangang maging masigasig sa pagbibigay ng gabay sa mga botante lalo’t ang kabutihan din ng mamamayan ang pangunahing nais pangalagaan ng simbahan.
“Hindi po natin ipino-promote ang tao. Ang ating ipino-promote ay ang tamang proseso para makapili ang tao ng nararapat na kandidato,” ayon sa pahayag ni Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas.
Tiniyak naman ng obispo na hindi kumikiling sa pulitiko ang simbahan kundi pagbibigay lamang ng mga panuntunan sa katangian na dapat taglayin ng isang pinuno ng bayan.
Dagdag pa ni Bishop Gaa, “Ayaw din ng simbahan na mag-endorso ng kahit na sino kasi kailangang akuin ng tao yung responsibilidad nila at ang choice nila sa kanilang binoto.”
Bilang bahagi ng paghahanda, inilunsad din ng iba’t ibang sangay at institusyon ng simbahan ang ‘election campaign’ para sa tamang pagsusuri ng mga kandidato.
Kasama na ang ‘One Godly Vote’ ng Radio Veritas, ‘Prayer Power’ ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at Halalang Marangal ng Caritas Philippines-ang social arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).