512 total views
Kapanalig, ang babae ay dapat ginagalang.
Ang hirap sa ating lipunan, ang bilis natin makalimot sa angking dignidad ng bawat tao. Parang namimili tayo. Yung may kaya at malakas ang ating pinapanigan. Yung mga bulnerable, gaya ng bata ng ng babae, madalas nating iniiwan.
Kapanalig, ayon mismo sa ating opisyal na depinisyon ng Violence Against Women, ito ay “An act of gender-based violence that results in, or is likely to result in, physical, sexual, or psychological harm or suffering to women, including threats of such acts, coercion or arbitrary deprivation of liberty, whether occurring in public or in private life. It encompasses all forms of violation of women’s rights, including threats and reprisals, exploitation, harassment, and other forms of control.”
Nakakalungkot na mismong ating pamahalaan ay nakakayanang lapastangin ang pagkatao ng mga babae. Hindi ito biro, at kailanman hindi pwede maging biro ang dangal ng babae. Hindi ka dapat tumawa kapag ang dangal ng babae o ng kahit sinuman ay ginagawa lamang kakatawanan. Dapat yan ay pinapalagan.
Tunay nga bang nasa psyche na ng mga Filipino na mababa ang antas ng pagkatao ng babae at ang kanyang pagiging “useful” ay nakasalalay na lamang sa kanyang angking kasarian?
Kung titingnan natin ang mga datos, nakakapanlumo. Hindi lamang ang pamahalaan natin ngayon ang mababa ang tingin sa babae. Isipin niyo na lamang, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 86.3% ng mga krimen laban sa babae sa ating bayan ay paglabag sa Violence against Women law, sunod ang lasciviousness o pangmomolestiya, sunod ang rape.
Anong klaseng lipunan ba meron tayo kung wala tayong galang sa mga babae?
Kapanalig, magising na tayo. Hindi dapat tayo nanahimik kung pagkatao at dangal ng kapwa ang nilalapastangan. Hindi tayo dapat tumatawa sa pang-aapi ng iba. Hindi tayo dapat nanahimik kung may nasasaktan na.
Sa ating pananahimik at pakikisama lalong nasisira ang ating lipunan. Kaduwagan ang pananahimik kung ang kababaihan na sa iyong lipunan ang binaboy ng mga taong dapat nangangalaga sa kanila. Kasalanan ang pagtawa sa panlilibak sa pagkatao ng kapwa.
Kapanalig, ayon sa Gaudium et Spes, lason sa lipunan ang anumang bagay na nag-iinsulto sa dignidad ng tao, babae man o lalake. Huwag nating hayaang dahan dahan tayong patayin ng lason na ito.