243 total views
Pinapanalangin ni Fr. Anton CT Pascual na makamtan nawa ng mga kapanalig na may karamdaman ang lubos na kagalingan mula sa Panginoon at sa tulong ng Birheng Maria.
Ito ang mensahe ng pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila para sa 30th World Day of the Sick sa February 11, kasabay ng dakilang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
“Healing is one of the most powerful manifestation of the Kingdom of God. Kaya’t nawa’y mapasakanila ang kagalingan sa lahat ng maysakit sa kapangyarihan ni Hesukristo at sa tulong ng panalangin ng Mahal na Ina ng Lourdes,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa pari, laging hinahangad ng Panginoon ang kaligtasan at kapayapaan ng isip ng bawat tao kaya hindi nais ng Panginoon na magdusa ang tao sa anumang karamdaman.
Giit ni Fr. Pascual na marahil sa kapabayaan at kasalanan ng tao kaya’t nagkakaroon ng mga karamdamang unti-unting nagpapahina sa katawan.
“Naniniwala po tayong ang sakit ay hindi galing sa Panginoon. Hindi kalooban ng Diyos na tayo’y magkasakit. Ito’y epekto ng kasalanan natin. Kapabayaan, at hindi pag-aalaga ng ating sarili, kalikasan, at ng pamayanan,” ayon sa pari.
Gayunman, paalala ng pari na patuloy lamang na manalig sa Panginoon upang maligtas sa anumang karamdaman, gayundin ang pagpapakita ng paggalang sa sariling pangangatawan at inang kalikasan.
Tema ng 2022 World Day of the Sick ang “Be merciful, even as your Father is merciful”, mula sa ebanghelyo ni San Lukas kabanata anim talata 36.
Sa mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco, hiling nito na makamtan na nawa ng mga mayroong karamdaman lalo na ang mga nasa mahihirap na komunidad, ang kinakailangang pangangalagang pangkalusugan na makakatulong sa mabilis na paggaling.