194 total views
Ang mga kaguluhang nagaganap sa lipunan ngayon ay bunga ng kasalanan.
Ito ang ipinaliwanag ni Diocese of Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez sa kapistahan ng pag-akyat ng Mahal na Birheng Maria sa langit.
Ayon sa Obispo, bilang kaisa ni Maria sa kanyang kaluwalhatian, dapat gamitin ng tao ang kanyang kakayahang kilalanin ang mga kasamaan sa lipunan at gawin ang kanyang makakaya upang masupil ito.
“Yung kaguluhan diyan yan ay bunga ng kasalanan, at bilang mga Kristiyano, bilang kaisa ni Maria, dapat nating makilala ang kasamaang yan at gawin natin an gating makakaya upang sa tulong ng Panginoon ay malutas natin yan at mapairal natin ang pagliligtas ng Diyos sa atin sa Pilipinas,” pahayag ni Bishop Iñiguez sa Radyo Veritas.
Samantala, sa kabila ng mga kaguluhan sa lipunan, ipinaalala ng Obispo na dapat paring ipagdiwang ng maligaya at makabuluhan ang dakilang pag-aakyat kay Maria sa langit.
Ayon kay Bishop Iñiguez, ang pag-aakyat kay Maria sa langit ay isang halimbawa sa mga mananampalataya kung paano matatamo ang tunay na kaligtasan sa piling ng Panginoon.
Kaya naman kung makikipag-isa ang tao kay Hesus at Maria, ay matatamasa nito ang dakilang pag-ibig ng Diyos at ang pagliligtas nito sa sanlibutan.
Kasabay ng Kapistahan ng pag-akyat sa Mahal na Birheng Maria sa langit, pinangunahan din ni Bishop Iñiguez ang banal na Misa para sa ika-394 na taon ng pagkakatatag sa simbahan ng Nuestra Señora De La Asuncion sa Bulakan, Bulacan.