2,343 total views
Umapela si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa nasasakupan na panatilihin ang kasagraduhan sa pagdiriwang ng pista sa mga patron ng simbahan.
Ito ang panawagan ng obispo lalo’t nalalapit na ang buwan ng Mayo na tinaguriang ‘fiesta month’ sa lalawigan ng Bohol.
“Ako nagahangyo sa tanan nga atong panalipdan ang kasagrado sa piyesta nga nahimo nang tipik sa atong kinabuhi. Espesyal nga panawagan ang buot nakong ipaabot ngadto sa atong mga lider sa lokal nga pangagamhanan nga unta magtinabangay kita aron masiguro nga sibo ang mga ipasiugdang kalihokan sa kinaiya sa atong selebrasyon,” panawagan ni Bishop Uy.
[Nakikiusap ako sa lahat na panatilihin natin ang kasagraduhan ng mga pista na bahagi na ng ating buhay. Panawagan ko rin sa mga lider ng lokal na pamahalaan na magtulungan tayo sa pagpatupad ng mga pagtatanghal o programang naaayon sa pagdiriwang]
Iginiit ni Bishop Uy na ang mga kapistahan ay ipinagdiriwang ng sambayanang kristiyano bilang pasasalamat sa Panginoon sa mga handog na kaloob sa tulong ng panalangin ng mga patron.
Ayon sa obispo kapansin-pansin na sa paglipas ng panahon ay nagkakaroon ng mahahalay na pagtatanghal sa paghahanda ng kapistahan gayundin ang kawalang regulasyon sa malalakas na sound-system tuwing may programa.
“Bisan kung ang piyesta nahimo nang aspeto sa atong kultura ug katilingbanong kinabuhi (socio-cultural celebration), kini nagpabilin, una ug labaw sa tanan, nga usa ka kasaulogan nga relihiyoso (religious festival),” ani Bishop Uy.
[Kahit na ang pista ay socio-cultural celebration, mananatili pa rin ang pagiging religious festival nito.]
Umaasa si Bishop Uy na iaaayon ang pagkakaroon ng mga pagtatanghal sa paghahanda ng kapistahan at bibigyang diin ang aspetong makatutulong sa paglago ng pananampalataya at pagbibigay parangal sa patron.
Sa buong buwan ng Mayo ay magdiriwang ng pista ang iba’t ibang parokya at kapilya sa Bohol na binubuo ng Diocese ng Tagbilaran at Talibon.