3,715 total views
Muling binigyan diin ng simbahang Katolika ang kahalagahan ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections na isasagawa sa Oktubre 2023.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David-pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), mahalaga ang pakikibahagi ng mga kabataan at mga layko sa pagpili ng mga pinuno ng pamayanan.
Ipinaliwanag ng Obispo na bukod sa pagboto kinakailangang makibahagi rin ang publiko sa pagtiyak ng kaayusan sa halalan at kaayusan sa resulta ng botohan.
Nagpaalala rin si Bishop David sa mga layko lalo na sa mga kabataan na ang barangay at SK elections ay non-partisan o walang kinikilingan at hindi dapat naiimpluwensyahan ng mga pulitiko.
“The politics of the honest leadership and defense of the common good, yung public welfare at common good. Ito yung perfect opportunity, simula’t sapul naman ine-encourage natin yung mga parokya natin through the UBAS. Remember noon sumikat yung Ugnayang Barangay at Simbahan (UBAS). Ibig sabihin makisangkot naman ang ating mga parokya,” ayon kay Bishop David sa Pastoral visit-on-the air ng Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop David na maraming programa ang barangay na kinakailangan ang pakikibahagi at pakikisangkot ng simbahan lalo na sa usapin ng sakuna, kriminalidad at illegal na droga.
Inihalimbawa ng Obispo ang pahayag ni Pope Francis na hindi natatapos sa gawaing pangsimbahan ang mga layko bagkus ay makibahagi sa usaping panlipunan.
“Please be closely involved and promote the formation of young leaders in the church na trained sa mga social teaching of the church,” ayon pa sa obispo.