37,519 total views
Kahalagahan ng digital communion, binigyan diin sa RCAM SOCOM lenten recollection
Nagkaloob ng Lenten Recollection ang Archdiocese of Manila Office of Communication para sa mga kinatawan ng social communications ministry ng bawat parokya sa buong arkidiyosesis.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Eric Castro – Team Ministry Moderator and Rector of National Shrine of the Sacred Heart (Makati) ang pagababahagi ng pagninilay na nagsilbi ring Recollection Master ng gawain.
Itinuon ni Fr. Castro ang kanyang naging pagninilay sa paksa ng ‘Digital Communion’ kung saan muling binalikan ng Pari ang pagsisimula ng paggamit ng Simbahan sa makabagong teknolohiya upang patuloy na maibahagi ang Mabuting Salita ng Diyos sa kabila ng ipinatupad na mahigpit na mga regulaston noong lumaganap ang COVID-19 Pandemic noong Marso ng taong 2020.
Pagbabahagi ni Fr. Castro, maituturing na isang biyaya at mahalaga ang papel na ginagampanan ng social communications ministry ng Simbahan upang patuloy na maibahagi sa mga hindi makadalo sa Banal na Eukaristiya ang Mabuting Salita ng Diyos.
“Nakakatulong kayo ang SOCOM sa paghahatid ng Mabuting Salita ng Diyos para sa mga taong hindi makadalo sa Banal na Eukaristiya, that is a gift” ang bahagi ng pagninilay ni Fr. Castro.
Nagsilbi ring tagapagsalita sa Lenten Recollection ng Archdiocese of Manila Office of Communication si CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs Executive Secretary Rev. Fr. Jerome Secillano na siya ring rector ng EDSA Shrine na tinalakay ang paksang may kaugnayan sa ‘Church and Politics’.
Sa ibinahagi namang pambungad na talumpati ni Archdiocese of Manila Vicar General Msgr. Clemente Ignacio, umaasa ang opisyal ng arkidiyosesis na makatulong ang gawain upang higit na mapalalim ang espiritwalidad at pagmimisyon ng mga bumubuo sa social communications ministry ng mga parokya sa arkidiyosesis lalo na ngayong panahon ng Kwaresma bilang paghahanda sa Mahal na Araw.
Paliwanag ni Msgr. Ignacio, mahalagang maunawaan ng mga social communications ministers ng Simbahan ang kanilang mahalagang tungkulin bilang tagapagpahayag ng Salita ng Diyos na naglalayong magabayan ang bawat nilalang patungo sa landas ng kaharian ng Diyos.
“Sa ating pagpapahayag bilang social communications ministers dapat mulat tayo sa dalawang mundong ito at dala natin ang mismong kultura ng mundo ni Kristo. Tingnan natin ang ating ginagawa, ang ating pinapahayag, ang ating sinasabi ito ba ay makakapagdala sa ating mga parokyano patungo sa kaharian ng Diyos.” Ayon kay Msgr. Ignacio.
Dinaluhan ang Lenten Recollection ng may 140 na mga kinatawan ng social communications ministry ng iba’t ibang mga parokya mula sa 13 bikaryato sa buong Arkidiyosesis ng Maynila bilang bahagi na rin ng RCAM SOCOM General Assembly ngayong panahon ng Kwaresma na isinagawa sa San Pedro Calungsod Youth Center sa Intramuros, Manila