696 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga Filipino tungkol sa kahalagahan ng matalinong pagboto sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Sa ginanap na Catholic E – Forum ng Radio Veritas, binigyang-diin ni Balanga Bishop Ruperto Santos ng CBCP – Episcopal Commission on Pontificio Collegio Filippino na kinabukasan ng bayan ang katumbas ng pagboto sa halalan.
“We only have one vote, and we vote once at ito ay ating karapatan, ito ay ang ating kinabukasan; ang kinabukasan nasa ating palad kaya we have to vote right,” pahayag ni Bishop Santos.
Pinuri ng Opisyal ang mga plataporma na inilahad ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na naging panauhin sa E-Forum.
Tinukoy ng Obispo ang pagbibigay-pansin ni Domagoso sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan tulad ng bahay at hanapbuhay gayundin ang pagpapahalaga sa buhay ng tao.
Batid ni Bishop Santos ang karanasan ng alkalde na humubog sa pagkatao nito subalit iginiit na mahalaga ang pakikipagtulungan sa lahat ng sektor kabilang na ang mga hindi kaalyado upang higit na maisulong ang kabutihang panlahat.
“Sa ating buhay it is always teamwork, it is always collaboration not competition, not contradiction but cooperation; sa teamwork nakagagawa ng marami mabilis at maganda para sa bayan,” ani Bishop Santos.
Umapela rin si Bishop Santos sa mga kumandidato na bigyang-pansin ang mga Overseas Filipino Workers at Seafarers na nagsusumikap sa ibayong dagat para sa pamilya.
Sinabi ng vice chairman ng CBCP migrants’ ministry na dapat pahalagahan ng pamahalaan ang mga OFW lalo’t malaki ang naitutulong nito sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng remittances.
“Nais ko lang bigyang pansin ang ating mga migrants and seafarers kailangang kailangan natin sila lingapin, gusto lang naming [migrants’ ministry] iparating na let us do for things to them: to protect them; promote their rights and dignity; preserve their culture, custom, identity as Filipino; and prosecute those who made them suffer,” ayon pa kay Bishop Santos.
Si Bishop Santos ang kinatawan ng Simbahan sa ‘Feedback from the Shepherd’ segment ng forum na bahagi ng One Godly Vote campaign ng media arm ng Archdiocese of Manila.
Layunin nitong mas makilala ng mamamayan ang bawat kumandidato sa pinakamataas na posisyon ng bansa na mamumuno sa susunod na anim na taon.
Sa March 2 inaasahan ang paglalahad ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa kanyang mga plataporma at programa kung sakaling mailuklok sa posisyon.