1,189 total views
Muling ipinaliwanag ng Department of Health ang malaking ambag at kahalagahan ng pagpapabakuna kasabay ng pagtugon sa mga malalang karamdaman lalo na ang coronavirus disease.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Director IV Dr. Alethea de Guzman, higit na mahalaga ang pamamahagi ng bakuna sa mamamayan dahil nagagawa nitong mapababa ang negatibong epekto ng COVID-19 sa katawan.
Sinabi ni de Guzman na mahalaga ring ipabatid sa lahat ang kahandaan dahil sa naibibigay na karagdagang proteksyon ng bakuna laban sa vaccine-preventable diseases, food and water-borne diseases, gayundin sa mga patuloy na lumalabas na karamdaman.
“We survived and lived through the pandemic because of our individual contributions and this is not the time to forget them. Mahalagang maalala natin ang value ng ating layers of protection lalong-lalo na ang ating vaccines, not just for COVID-19, but for other diseases as well kaya let us get ourselves vaccinated,” pahayag ni de Guzman.
Nauna nang pinaalalahanan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Health Care Commission executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, ang publiko na paigtingin pa ang pagsusulong at pagtangkilik sa bakuna laban sa coronavirus disease.
Patuloy na nakikipagtulungan ang simbahan sa pamahalaan sa pamamahagi ng bakuna gayundin ang pagpapalaganap ng impormasyon sa mabuting maidudulot nito sa katawan laban sa nakahahawa at nakamamatay na COVID-19.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, aabot na sa halos 74-milyong indibidwal ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine, habang higit 21 milyong naman ang nakatanggap na ng booster shots.