790 total views
Ibinahagi ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagtitipon ng Asian bishops na sa pamilya magmumula ang mga taga-paglingkod ng simbahan.
Ito ang mensahe ng cardinal sa general conference ng Federation of Asian Bishops Conference sa Bangkok Thailand na tumatalakay sa isinagawang Synod on Synodality ng simbahan.
Isa sa binigyang diin ng arsobispo na bunga sa synodal consultations ng Pilipinas ang kahalagahan ng pamilya sa pamayanan at simbahan.
“The Gospel injunction to pray for laborers for the harvest brings to mind one of the lessons we learned in the diocesan phase of the Synod on Synodality. The family is not only the seedbed of vocations to the priesthood and to the consecrated life, but also to the lay ministries,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ipinaliwanag ng cardinal na bagamat may kakulangan ng mga pari ang Pilipinas ay aktibo naman ang basic ecclesial community (BEC) sa pangunguna ng mga layko na nagtataguyod ng mga programa sa edukasyon, pamumuhunan, pulitika, peace building at pangangalaga sa kalikasan.
Iginiit ni Cardinal Advincula na kung nais ng simbahan na pagtibayin ang synodality ay mahalagang kilalanin ang bawat pamilya bilang tagapaghubog ng mga kakayahang kinakailangang sa Synodal Church.
“The family is not only the seedbed of all vocations; the family is also the school of synodality. Prayerfulness and discernment, communion and compassion, honesty and transparency – like charity – begin at home,” ani ng cardinal.
Pinangunahan ni Cardinal Advincula ang banal na misa sa FABC general conference noong October 18 na dinaluhan ng iba’t ibang obispo mula sa 29 na mga bansang kasapi ng FABC.
Tema ng pagtitipon ng asian bishops ang “FABC 50: Journeying together as peoples of Asia “… and they went a different way.” bilang paggunita sa ikalimang dekadang pagmimisyon ng mga simbahan sa Asya na itinatag noong 1970 nang dumalaw si noo’y santo papa St. Paul VI sa Pilipinas at nasaksihan ang buhay na pananampalataya ng mga Pilipino.