816 total views
Kapanalig, ang social protection ay sandigan ng mamamayan sa panahon ng kagipitan. Ngunit bakit kaya, hanggang ngayon, hindi pa rin ito abot kamay ng napakaraming mga Filipino? Tinatayang nasa mga mahigit 64% pa lang ng maralita ang may social protection coverage sa ating bansa.
Ang social protection, kapanalig, ay nagbibigay seguridad sa mga mamamayan sa panahon ng krisis, pag may nagkasakit, nawalan ng trabaho, o kahit anumang sakuna. Nagbibigay ito ng proteksyon sa mga mamamayan sa pamamagitan ng tulong pinansyal sa panahon ng kanilang pangangailangan.
Sa ating bansa, ang mga halimbawa ng social insurance ay ang Social Security System o SSS, ang Philippine Health Insurance o PhilHealth, pati na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Malaking tulong ang mga ahensyang ito sa mga Filipino. Nagbibigay ito ng mga benepisyo sa mga Filipino na umaagapay sa kanila hindi lang sa panahon ng krisis, kundi pati sa pang-araw araw na buhay. Partikular dito ang 4Ps, na nagbibigay ng cash grants para sa pinakamahirap nating mga kababayan upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon, pati na ang pag-aaral ng mga kabataan. Ang 4Ps ay mahalagang instrumento na makakatulong sana sa marami nating mga kababayan na makabuwelo, at sa kalaunan, makaalpas sa kahirapan.
Kapanalig, kailangan na mapabilis ng pamahalaan ang pagpapalawig at pagpapatibay ng mga programang ito. Marami na nga ang nangangamba, gaya ng mga SSS beneficiaries. Tinatayang pagdating ng 2029 ay nasa peligro na ang pondo nito dahil mas lalaki na ang babayarang benepisyo kesa sa dami ng koleksyon. Paano na ngayon ang mga miyembro nito?
Kapanalig, kailangang pataasin pa ang pondo ng bayan para sa social protection. Ito ay wise investment dahil habang pinalalakas natin ang estado ng pamilyang Filipino, mas maraming mamamayan ang makakapagtrabaho, makakapag-aral, magiging malusog – magiging aktibong miyembro ng lipunan na malaki ang maiaambag sa ating bayan. Lahat ito ay inputs para sa kagalingan at kaunlaran ng bayan. Sabi nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity. Kung hindi tayo mamumuhunan sa proteksyon ng mga mamamayan, lalo na ng maralita, ang kinabukasan ng buong bayan ang atin ding pinababayaan.
Sumainyo ang Katotohanan.