335 total views
Kapanalig, sa Christmas message ni Pope Francis noong nakaraang taon, inanyayahan niya tayo na pagnilayan ito: God did not choose to come into the world in grandeur, but as a humble child born into poverty.
Nakiisa ang Panginoong Hesus sa kahirapan na nararanasan ng mundo. Ang pakikiisa na ito ay napakahalaga sa ating daigdig ngayon. Halos lahat ng parte ng mundo ay hirap na makabangon mula sa pandemya. Maraming mga bansa ngayon ang nakakaranas na mataas na inflation, at naghahanda at nangangamba sa maaaring pagdating ng global recession.
Kapanalig, hindi madali ang buhay ngayon. Kahit sabihin pa na mataas ang employment rate ng ating bansa, kailangan natin suriin pa ito ng mas maigi. May trabaho nga ang mga mamamayan ngunit bitin pa rin ang sweldo. May trabaho nga ang tao pero karamihan ay sa impormal na sektor kung saan isang kahig isang tuka at walang social protection.
Ang pagtaas ng inflation at ang lumiliit na kita ng mga mamamayan ay mga hadlang sa tuloy tuloy na pag-usad ng pamilyang Pilipino pati na ng ekonomiya ng bayan. Ramdam na ito kapanalig – bumaba na nga ang average annual family income sa atin, mula P313,350 noong 2018 naging P307,190 na ito noong 2021. 23.71% na rin ng ating populasyon ang namumuhay sa ilalim ng national poverty line.
Kapanalig ang mga datos na ito ay hindi lamang mga numero – ito ay may katumbas na paghihirap sa pamilyang Pilipino. Sa bawat pagliit ng kita ng isang pamilya, kailangang may iwaglit o ikaltas na pangangailangan. Sa ating bansa, karaniwang pagkain ang unang binabawas sa budget. Kapag hindi na kaya, mayroon ng anak na titigil sa pag-aaral. Sunod na niyan kapanalig ay ang problema na sa kalusugan at access sa iba pang batayang pangangailangan. Hindi lamang kakaunting pamilya ang nakakaranas ng ganitong sitwasyon. Milyon-milyon, kapanalig. Base sa opisyal na datos: 3.5 milyong Pilipino ang mahirap, at mahigit isang milyon ang nasa subsistence level, o halos walang makain.
Kaya’t ngayong kapaskuhan, kapanalig, kailangang mas madama ng mga Filipino ang pagasa. Kailangang mas madama natin na kasama natin si Hesus sa gitna ng lahat ng kahirapang ito. Maalala sana natin, gaya ng paalala ni Pope Francis sa kanyang Sunday Angelus Address noong Disyembre 2020 na sa halip na bumili na naman tayo ng pagkarami-raming regalo para sa ating mga kaibigan at kamag-anak, tayo naman ay kumilos para sa mga kapwa nating naghihirap at walang nakaka-alala. Kapag nagawa natin ito, kapanalig, kahit papaano, nakikiisa tayo sa sitwasyon ng marami nating kababayan, at makapagdala tayo ng kahit kaunting liwanag ng pagasa sa mga kababayang natin nagdarahop.
Sumainyo ang Katotohanan.