1,778 total views
Kapanalig, isa sa mga pangunahing dahilan ng maraming mga problema sa ating bansa ngayon ay ang kahirapan at inekwalidad sa ating bansa.
Ayon nga sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas dumami ang mga bayan na nataguriang “severely poor.” Mula zero noong 2006, naging lima ito. Ang pinakamahirap sa mga probinsya o munisipalidad sa ating bayan ay ang Bacolod-Kalawi, Lanao del Sur sa Mindanao. Kapanalig, 84.8% ang poverty incidence dito, pinakamataas sa buong bansa. Sumunod dito ang Datu Saudi-Ampatuan, Maguindanao kung saan 83% ang poverty incidence, Lumbayanague, Lanao del Sur (81.9%), Piagapo, Lanao del Sur (81.4%) at Talayan, Maguindanao (80.3%). Kapanalig, lahat ito ay mga munisipalidad sa Mindanao.
Habang lalong naghihirap ang mga bayang ito, may mga syudad na bumaba ang lebel ng poverty incidence. Tinatayang ang poverty incidence sa mga “least poor municipalities” ay nasa 20% lamang samantalang umaabot ng sobra pa sa 80% ang poverty incidence sa mga severely poor. Baligtaran kumbaga. Ang mga least poor municipalities ay kadalasan makikita sa mga urban areas. Sa National Capital Region (NCR) nga kapanalig, ang poverty incidence ng pinakamahirap na munisipalidad (Tondo) ay 10%.
Ang kahirapan na ito at hindi pagkapantay-pantay ay isa sa mga rason kung bakit marami sa ating mga kababayan ay pinipili ng mag-migrate o lumipat na lamang sa mga syudad o sa ibang bansa. Isipin naman natin, 80% o walo sa sampung tao ay mahirap sa mga severely poor municipalities. Kung ika’y napapaligiran ng kahirapan, diba’t mas nanaisin mo na itong iwanan?
Madali ding ma-recruit ang mga kabataan sa mga severely poor areas ng mga insurgency o rebel groups. Mahirap kasi makakita ng pag-asa kapanalig, sa lugar na tila nasakluban na ng dilim. Isipin niyo naman, sa mga severely poor areas na ito, madalas din ang mga bakbakan. Kung hindi ka sasali sa mga grupong de armas, mas lalong walang kinabukasan ang pakiramdam ng ilan. Mas mabuti na may laban ka sa buhay kahit kaunti. Maliban pa dito, marami sa kanila ang hindi na nakakapag-aral dahil sa paulit ulit na displacement.
Dapat sana ang digmaan laban sa kahirapan ang una nating hinaharap. Hindi makatarungan na sa halos lahat ng mga mamamayan sa ilang munisipalidad ay nagdarahop samantalang mga lider nito, kung inyong susuriin, ay maalwa ang pamumuhay sa mga mansyon. Hindi ito ang pangarap at nais ng Panginoon sa kanyang mga anak.
Kapanalig, ang Populorum Progressio ay may butil ng aral na sana’y ating pakinggan: Kailangan nating bitiwan ang mentalidad na ang maralita ay pabigat sa ating buhay. Ang kanilang pag-unlad ay pag-unlad din hindi lamang ng ating bayan, kundi ng buong sangkatauhan.