298 total views
Kapanalig, ngayong panahon ng laban sa droga at death penalty, kamusta ba ang maralitang Pilipino? Ano na nga ba ang nangyari sa kanila?
Ayon sa datos ng Asian Development Bank (ADB), 25.2% ng ating populasyon ay namumuhay sa ilalim ng poverty line. Ito na ang pangalawang pinakamataas na antas sa buong Southeast Asia. Kasunod lamang tayo kapanalig, ng Myanmar, kung saan nagkaroon ng civil war.
Ayon naman sa Social Weather Stations Survey noong huling quarter ng 2016, 44% o sampung milyong Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap. Mas mataas pa ito sa datos noong Setyembre 2016.
Kapanalig, tingnan natin ang mga lugar kung saan pinakamarami ang bilang ng maralita. Sinasabi ng datos na karamihan sa mga maralitang probinsya ay matatagpuan sa Mindanao at sa Visayas. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang probinsya ng Lanao ang may pinakamataas na poverty incidence. Ito ay 67.3% . Sumunod dito ang Eastern Samar na may 55.4, Apayao (54.7), Maguindanao (54.5), Zamboanga del Norte (48), Sarangani (46), North Cotabato (44.8), Negros Oriental (43.9), at Northern at Western Samar na parehong may poverty incidence na 43.5%.
Kapanalig, malalaki ang bilang na ito. Kung susuriin, sobra pa sa kalahati o halos kalahati ng mga probinsyang ito ay dumaranas ng kahirapan. Sa harap ng ganitong datos, ano ba dapat ang ating unahin? Ano nga ba ang prayoridad ng ating pamahaalan? Base sa budget allocation, makikita naman natin na binibigyang prayoridad ng pamahalaan ang mahirap.
Ang Department of Education (DepEd) ay nagkaroon ng mataas na alokasyon na umabot ng P544.1 billion. Tumaas din ang alokasyon sa para sa imprastraktura, universal healthcare, pati na rin sa Department of Agriculture at Department of Agrarian Reform. Ngunit ang pinakamalaking increase, kapanalig, ay nasa opisina ng Pangulo, na tumaas ng 600%.
Kapanalig, sayang ang alokasyon na ito para sa mga pro-poor initiatives ng pamahalaan kung mas malakas ang pwersa para sa mga pagkilos na tila pumipigil sa pagsulong ng buhay ng ordinaryong mamamayan. Kapanalig, ang mga kamatayang nangyayari sa ating paligid ay nagdudulot ng atmosphere of fear at walang kasiguraduhan sa buhay, lalo na sa maralita na hindi kayang ipagtanggol ang kanyang sarili sa mga pwersa na maaring kumitil ng kanyang buhay, may kasalanan man siya o wala. Hindi “conducive” o nag-aakit ng kaunlaran ang araw araw na pagpatay na nangyayari, sabay pa ang license to kill na binibigay ngayon ng kongreso sa ating justice system na hindi naman accessible sa maralita. Kung ganito ang sitwasyon, kapanalig, tila sinumpa natin at sinigurado ang kamatayan ng 25% ng ating kababayan, na bumubuo ng mahihirap na populasyon sa ating bayan. Ano ang saysay ng pro-poor initiatives kung takot naman ang namamayani sa bayan?
Ang Economic Justice for All ay may akmang payo para sa ating lahat ngayon: The obligation to provide justice for all means that the poor have the single most urgent economic claim on the conscience of the nation.