168 total views
Naniniwala si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang kahirapan at kawalan ng maayos na tirahan ang pangunahing dahilan sa mga nagaganap na sunog partikular na sa Metro Manila.
Ayon kay Bishop David, ang laganap na kahirapan at kawalan ng programa para sa mga informal settlers ang tunay na problema na nagreresulta ng mga hindi maiwasang trahedya sa mga “slum area” gaya ng pagkakaroon ng sunog.
Giit ng Obispo kung tunay na umuunlad ang bansa ay dapat maramdaman ito ng mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan kung saan sa pamamagitan ng mga programa tulad ng maayos na pabahay.
“Nakakalungkot na paulit-ulit na lang ‘to. Talagang napaka-helpless natin pagdating sa mga homeless urban poor kasi the real issue dito is homelessness hindi magiging mga informal settlers ang mga kababayan natin kung meron tayong talagang isang mabuting pabahay para sa mga dukha and it’s about time na patunayan natin na talagang umuunlad ang ating bansa kung umuunlad ang ating bansa sana umunlad na din ang mga dukha.” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Veritas 846.
Magugunitang kamakailan lamang ay nasa 700 pamilya ang nasunugan sa may Catmon,Malabon habang nasa 3,000 pamilya naman ang nasunugan sa Parola Compound, Tondo, Maynila.
Umaasa si Bishop David na bibigyan pansin ng pamahalaan ang suliranin sa kahirapan at kawalan ng maayos na pabahay para sa mga mahihirap higit sa ginagawa nitong kampanya laban sa ilegal na droga.
“Kaya sana more essential than the war in illegal drugs is the war against poverty kasi yun ang gusto ko makita na pangunahan talaga ng ating gobyerno at kapag pinangunahan nila yun susuporta kami kasi sino bang ayaw na mapabuti ang kalagayan ng mga dukha.”dagdag pa ng Obispo ng Diocese ng Kalookan.
Sa datos ng SWS tinatayang nasa 10 milyong pilipino ang itinuturing ang kanilang mga sarili na mahihirap.