590 total views
Subukan mong mag-ikot sa mga kanayunan ng ating bansa ngayon at makikita mo ang naging hagupit ng sunod-sunod na krisis sa buhay ng ating mga mamamayan.
Magmula sa mga lockdowns ng pandemya at ang bunsod nitong kawalan ng trabaho, kasama na ang mga naglalakasang bagyo na dumaan sa ating bansa nitong nakaraang mga taon, sobra talaga ang naging paghihirap ng marami nating kababayan. Kung titingnan mo ang kanilang naging karanasan, lalo na sa mga probinsya kung saan nawala ang sigla ng turismo, nabawasan ang kita sa pagsasaka at pangingisda, at nagsara ang mga factories, maiisip mo, paano kaya ang naging buhay nila noong kasagsagan ng mga lockdowns? Nakarecover na kaya sila ngayon?
Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, mas dumami ang proporsyon ng mahirap na Filipino nitong first quarter ng 2021 kumpara sa first quarter ng 2018. Naging 23.7% na ito kapanalig, nitong unang sangkapat ng 2021, kumpara sa parehong panahon ng 2018. Katumbas nito ay 26.14 milyong maralitang Filipino. Halos labingdalawang milyong Filipino din ang hindi nakayanang tugunan ang kanilang basic food needs.
Kapanalig, karamihan sa mga mamamayang ito ay matatagpuan sa kanayunan, kung saan ang mga iyak ng maraming Filipino ay hindi naririnig, kung saan ang kahirapan ay mas miserable, dahil dinadanas ito ng mas maraming pamilyang walang makuhang tulong dahil halos lahat din sa kanilang lugar ay dumadaan sa parehong karanasan. Ayon nga mismo sa opisyal na datos, ang mga fisherfolks at magsasaka sa mga rural areas ang may pinakamataas na poverty incidence sa lahat ng batayang sektor ng bansa.
Kaya’t nararapat lamang na ang kanayunan ang maging sentro ng development ng ating bansa. Dapat ang kaunlaran ay maramdaman na sa mga lugar na hindi na-a-ambunan ng bunga ng ekonomiya, kahit sila pa ang pumapasan ng agrikultura at food security ng bansa. Kailangan ng tulong ating mga kababayang maralita, gaya ng mga mangingisda at magsasaka sa ating mga probinsya.
Ang pagtugon sa pangangailangan ng poorest of the poor ng ating bansa ay ating responsibilidad bilang Filipino at bilang isang Simbahan. Ang pagtiyak ng kanilang kaunlaran ay pagsisiguro ng kinabukasan ng bayan. Ang pagkalinga sa kanila ay tugma sa ating prinsipiyo, bilang katoliko, na inuudyok tayo na bigyan ng preferential option o mas natatanging kalinga ang maralita sa ating hanay. Sabi nga sa Deus Caritas Est: Within the community of believers there can never be room for a poverty that denies anyone what is needed for a dignified life.
Sumainyo ang Katotohanan.