179 total views
Hindi matutugunan ng War on Drugs at pagkamatay ng mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot ang problema sa kahirapan na siyang tunay na suliranin ng bansa.
Ito ang reaksyon ni Diocese of Sorsogon Bishop Arturo Bastes – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mission kaugnay sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa mga pangunahing usapin o concern ng taumbayan na nais nilang matugunan ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Paliwanag ng Obispo, kahirapan ang pangunahing problema sa lipunan na nararapat agad tugunan ng pamahalaan na hindi masusolusyunan ng pagsugpo sa ilegal na droga o pagpatay sa mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“What we need because of the most important concern of the Philippines today it is that many people are still poor, because they are poor no matter how many people Duterte can kill the situation will always be the same so for us drug addiction is not the real problem, the real problem is poverty…” pahayag ni Bishop Bastes sa panayam ng Radio Veritas.
Lumabas sa isinagawang Survey ng Pulse Asia mula September 25 hanggang October 1 na dagdag-sahod at hindi pagsugpo sa kriminalidad ang pangunahing concern ng taumbayan, kung saan 46-na-porsyento ang nagpahayag ng pagnanais na matugunan ang pagtaas sahod sa mga manggagawa, 38-porsyento para sa pagkakaroon ng mga karagdagang trabaho, 37-porsyento upang makontrol ang presyo ng mga bilihin habang bumaba naman sa 31-porsyento ang mga nagsasabing nararapat unahin ang pagsugpo sa mga krimen mula sa dating 52-na-porsyento noong buwan ng Hulyo.
Samantala, naunang nagpahayag ng pagsuporta ang Simbahang Katolika sa layunin ng kasalukuyang Administrasyon na masugpo ang ilegal na droga at kriminalidad, ngunit binigyang diing hindi nararapat malabag ang ano mang karapatan ng mga mamamayan higit sa lahat ay kitilin ang buhay ninuman.