236 total views
Kahirapan ang nakikitang dahilan ng Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking (PIMAHT) kung bakit dumadami ang mga kaso ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) sa Pilipinas.
Ayon sa grupo, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na mataas ang kaso ng OSEC sa mga mahihirap na lugar sa Maynila at sa mga probinsya.
Ilan sa pangunahing dahilan nito ay kawalan ng hanapbuhay, at mga oportunidad na makapagtrabaho na nagiging dahilan kung bakit nasasangkot ang mga kaanak o mismong mga magulang ng mga bata sa pagbebenta sa kanilang mga anak sa online sex.
Naniniwala si Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na mahalagang mapaigting ang proteksyon sa mga bata na siyang pinaka bulnelabre sa mga kasapi ng lipunan.
Ipinaalala ng Obispo na ang mga batang ito ang magiging miyembro ng lipunan at mamumuno sa bansa sa hinaharap.
Ayon kay Bishop Santos, mahalagang mapabuti ang pagpapalaki sa mga bata at hindi maabuso ang kanilang pisikal, mental, emosyonal at sekswal na bahagi ng pagkatao.
“Tandaan natin na ang mga biktima ay mga bata at ang mga bata ay lalaki at sa kanilang paglaki, sila ay ating magiging Citizens and Leaders of the Country… kapag sila ay na Exploit, Physically and Verbally and Sexually, nasira na ang kanilang pangarap, ang kanilang buhay, ang kanilang hinaharap at ang mag sa-suffer nito ay ang kanilang pamilya, ang sambayanan at ang ating bayan. Kaya ingatan natin sila, at pangalagaan at higit sa lahat we have to prosecute, parusahan ang mga perpetrators.” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Hinikayat din ng Obispo ang bawat Filipino na maging mapagmatyag at bantayan ang mga bata sa kanilang komunidad upang maiwasang mabiktima ito ng online sexual exploitation.
Sinabi ni Bishop Santos na kinakailangang maging kaisa ang lahat upang mapalaganap ang kamalayan kaugnay sa suliraning ito na unti-unting lumalaganap sa bansa.
Payo ng Obispo na tandaan ang limang na “P” – Prevention, Protection, Prosecution, Partnership at Prayer, upang mapigilan ang OSEC na isang uri ng human trafficking at maproteksyunan ang digdidad ng mga bata.
Batay sa pagsusuri ng PIMAHT, umabot na sa 389 ang mga nasagip na biktima ng OSEC habang 165 ang mga suspek subalit, 42 sa mga ito ang naikulong.
Tinataya namang nasa 12 ang edad ng mga batang karaniwang nabibiktima ng online sex at sa buong pag-aaral ng grupo ay isang 2 months old na babaeng sanggol ang pinakabata nilang na-rescue, at sinundan pa ito ng isa pang 5months old na sanggol.