95,072 total views
Mga Kapanalig, sa dami ng mga kababayan nating nagugutom at sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin, tone-toneladang gulay at prutas sa ating bansa ang nasisira at naaaksaya lang.
Ayon sa Department of Agriculture (o DA), tinatayang 30% ng mga ani ng ating mga magsasaka ang naaaksaya dahil sa mahinang logistics o ang mga proseso mula sa produksyon at pag-iimbak, hanggang sa paghahatid ng mga produkto sa mga tindahan at mamimili. Marahil, lampas pa sa daming ito ang nasasayang sa ani ng mga magsasaka sa Cordillera. Kamakailan lang ay napilitan silang ibagsak-presyo o halos ipamigay na ang kanilang mga aning gulay kaysa nga naman mabulok ang mga ito.
Isa rin sa mga nasasayang na produktong agrikultural ang bigas. Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu-Laurel, hanggang 15% ng taunang produksyon natin ng bigas o 450,000 metric tons ang naaaksaya. Sa nakalipas na apat na dekada raw kasi, walang malalaking post-harvest facilities, katulad ng agri-industrial ports at cold storage facilities, na pinondohan at ipinatayo ang pamahalaan. Kailangan daw mamuhunan ng pamahalaan sa mga ganitong pasilidad upang mabawasan ang mga naaaksayang produkto, na makatutulong namang pababain ang presyo ng mga bilihin sa merkado. Tantya ng kalihim, kung may sapat at maayos na logistics services, maaaring bumaba ng mula 10% hanggang 15% ang presyo ng mga gulay at high-value crops katulad ng mga prutas.
Kailangan siyempre ng pondo upang maisakatuparan ang mga ito. Para sa post-harvest facilities, dagdag ni Secretary Tiu-Laurel, nasa 93 bilyong piso ang kailangan para sa susunod na tatlong taon. Makatitipid naman daw tayo ng halos 10.7 bilyong piso taun-taon mula sa mga naaaksayang bigas at mais kung maipatatayo ang mga pasilidad na ito. Para naman sa cold storage facilities na makatutulong iwasan ang pagkabulok ng mga gulay, kailangan ng halos limang bilyong piso hanggang 2025.
Maganda ang mga planong inilatag ng DA upang isaayos ang logistics sa industriya ng agrikultura. Kung maisasakatuparan ang mga ito, hindi lang pag-aaksaya ng mga produktong agrikultural ang matutugunan natin. Malaking tulong din ito sa isa sa pinakamahihirap na sektor sa ating bansa—ang mga magsasaka. Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong 2021 ay nasa 30% ang poverty incidence sa mga magsasaka. Tatlo sa bawat sampung magsasaka ang hindi kumikita nang sapat upang matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa nasasayang na biyaya, kahirapan ay lumalala.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng sama-samang paglaban sa kahirapan. Hadlang ang kahirapan sa kaunlaran ng dignidad ng tao. Pinagkakaitan ang mahihirap ng pantay na access sa mga yaman ng mundo at iba’t ibang oportunidad. Kaugnay ng pagsugpo sa kahirapan ang prinsipyo ng pangkalahatang layunin ng mga bagay sa mundo. Ang ibig nitong sabihin, ang lahat ng nilikha ng Diyos ay dapat na makatarungang pinagbabahaginan ng lahat.
Kaya naman, malaking hamon sa pagtugon sa kahirapan ang pagkasira ng mga produktong agrikultural. Hindi lang naaaksaya ang mga biyaya ng Diyos. Umiigting pa ang kahirapang dinaranas ng mga magsasakang umaasa sa kakarampot nilang kita at madalas na binabarat ng mga bumibili ng kanilang ani. Bagamat sama-samang tungkulin nating labanan ang kahirapan, higit na mabigat ang tungkulin ng pamahalaang sugpuin ito.
Mga Kapanalig, pagkatapos pakainin ni Hesus ang limang libo, mababasa natin sa Juan 6:12 ang Kanyang paalala sa kanyang mga alagad: “Tiyakin ninyong walang masasayang [na pagkain].” Ito rin ang paalala sa ating gobyerno, kaya hindi sana manatiling plano ang mga inilatag ng DA upang tiyaking walang nasasayang na biyaya. Kailangang maging kongkretong aksyon ang mga ito at ang mga benepisyo ay direktang matamasa ng mga kababayan nating magsasaka.
Sumainyo ang katotohanan.