401 total views
Bagama’t hindi pangkaraniwan ang pagdiriwang ng Translacion at kapistahan ng Poong Hesus Nazareno ngayong taon, tiniyak naman ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang patuloy pa rin ang biyaya ng Panginoon.
Ito ang tiniyak ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Traslacion 2021 sa gitna ng pandemya.
“Hindi nababawasan ang biyaya na maaring ibigay ng Panginoon, ang mahalaga ay ang pagtitiwala at pananalig sa Diyos,” ayon kay Fr. Secillano.
Unang ipinagpaliban ng pamunuan ng Quiapo church at pamahalaang lokal ng Maynila ang prusisyon bilang bahagi ng pag-iingat sa pagkahawa mula sa virus at ang pagtugon sa panawagan ng pamahalaan hinggil sa pagbabawal sa maramihang pagtitipon.
Inihayag ni Fr. Secillano na hindi ang paghawak sa pisi at pagsampa sa andas ang nagkakaloob ng pagpapala kundi ang mismong kinakatawan-ang Panginoon.
“Hindi po kinakailangan na gawin ang mga bagay na ito para magbigay ng kanyang kaloob ang Panginoon sa atin. Well, hindi po sa lahat ng oras natatanggap po natin ang hinihiling natin. Pero may sinasabing in God’s own time na tayo po ang maghihintay. Basta ang mahalaga tayo ay kumakatok, tayo ay humihingi, tayo ay nakikiusap, tayo ang nagdarasal tayo ay nagtitiwala,” paliwanag pa ni Fr. Secillano.
Bukod sa Quiapo church, ilang mga simbahan sa Arkidiyosesis ng Maynila at mga karatig lalawigan ang nagsagawa ng misa nobenaryo para sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Hesus Nazareno na ang layunin ay mabawasan ang mga magtutungo sa simbahan ng Quiapo.
Bagama’t walang prusisyon, ilang mga kalsada sa paligid ng Quiapo church ang isinara upang ilaan sa mga dadalo sa misa lalu’t 400-katao lamang ang maaring makapasok sa simbahan ng Quiapo at maipatupad ang physical distancing.