654 total views
Inilahad sa ensiklikal na On Human Works ni Saint John Paul II na dapat igalang ang bawat manggagawa sa lahat ng sektor sa lipunan.
Bunsod nito, pinuna ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines ang muling pahayag ni Special Envoy to China Ramon Tulfo na tamad ang mga Filipinong consturction workers sa bansa kumpara sa manggagawang Tsino.
Ayon kay Allan Tanjusay, tagapagsalita ng TUCP, walang katotohanan ang pahayag ng opisyal sapagkat marami nang napatunayan ang mga Filipinong construction worker.
Sinabi ni Tanjusay na ang matataas na gusali, mga tulay, progresibong mga kalsada sa Pilipinas ay produkto ng pagtityaga ng mga construction worker na pinakikinabangan din ni Tulfo sa kasalukuyan.
“Napakababa na ng kanyang pag-iisip, kung sasabihin niya na tamad at pakuya-kuyakoy ang ating mga Filipino construction workers ay taliwas sa kanyang nakikita at pinakikinabangan,” pahayag ni Tanjusay sa Radio Veritas.
Inihayag ni Tulfo na mas mabilis gumawa ang mga Chinese kumpara sa mga Filipino.
Nilinaw ni Tanjusay na kung makikitang nagpapahinga ang mga Filipinong construction worker ay dahil sa uri ng kanilang trabaho na nakabilad sa init ng araw at lantad sa panganib na makikita din sa mga Chinese worker.
Sa tala, mahigit sampung milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers sa buong daigdig kung saan kabilang dito ang mga skilled workers at construction workers.
Naitala naman ng Bureau of Immigration na mahigit sa 3 milyong Chinese ang pumasok sa Pilipinas noong 2016 hanggang 2018.
Iniulat din ng Department of Labor and Employment na 53, 311 Alien Employment Permit ang inilabas ng ahensya noong 2016 hanggang 2018 kung saan higit sa 18 libo ang ibinigay sa mga Chinese national kabilang ang 2, 884 Chinese construction workers.
Una nang nanawagan ang CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa pamahalaan na lumikha ng maraming trabaho para sa kapakinabangan ng mga Filipino upang mapigilang mangibang bansa at malayo sa pamilya.