289 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang opisyal at nakasulat na mensahe para sa mga Pilipino sa pagsisimula ng taóng 2019, hinikayat tayo ni Pangulong Duterte na magnilay at matuto sa ating nakaraan bilang isang bayan. Sa pamamagitan daw nito, magiging mas malakas ang ating loob na harapin ang kinabukasan at lampasan ang anumang pagsubok na kakaharapin natin. Ang atin daw “patriotic fervor” o masidhing pagmamahal sa bayan at “solidarity” o pakikipagkapwa-tao ang makatutulong sa atin upang lampasan ang mga hamon sa pag-usad natin tungo sa mas masagana at progresibong kinabukasan.
Siya rin ang pangulong kamakailan ay tinawag na “silly” o kahangalan o kalokohan ang Banal na Santatlo o Holy Trinity. Wala rin daw siyang “bilib” kay Hesus dahil hinayaan niya ang kanyang sariling ipako sa krus. “Unimpressive” o hindi kahanga-hanga para sa ating pangulo ang pag-aalay ni Hesus ng kanyang buhay para sa kaligtasan ng tao mula sa kasalanan. Siya rin ang pangulong minaliit ang mga santo na tinawag niyang mga hangal o “fools” at lasenggero o “drunkards.” Kung sabagay, ano ang maasahan natin isang taong tinawag ang Diyos bilang “stupid” at pinagbantaan ang isang obispo na papapugutan siya nito?
Siya rin ang pangulong walang patíd ang batikos sa mga paring umaabuso sa mga babae at kabataan ngunit umamin kamakailan na hinupuan niya sa maselang bahagi ang kanilang kasambahay noong teenager pa siya. Siya ang pangulong nagsabing siya dapat ang naunang nakagahasa sa isang dayuhang misyonerong pinagsamantalahan ng mga nag-riot na preso sa siyudad na pinamunuan niya sa mahabang panahon. Siya rin ang ating lider na nag-utos sa mga sundalong barilin sa ari ang mga babaeng rebelde upang hindi na raw sila mapakinabangan.
Ang taong naghihikayat sa ating magkaroon ng “solidarity” ang siya ring naghihikayat sa mga taong patayin ang mga kilalá nilang adik at kriminal na idineklara niyang hindi mga tao. Ang taong nagpaalala sa ating mahalin ang ating bayan ang siya ring nangunguna sa pagtatanggol sa mga Tsinong umagaw sa huling isda ng mga kababayan nating mangingisda sa karagatang unti-unti nang kinokontrol ng ibang bansa. Ang lider na umaasang magkakaroon tayo ng maunlad na 2019 ang nagmura sa mga pobreng tsuper ng dyip na nababahala sa planong pagpapaalis sa kanila sa lansangan at ang naghangad na mamatay ang mga maralitang lulóng sa ipinagbabawal na gamot.
Mapapailing na lang tayo sa kabalintunaang ito.
Noong bumisita si Pope Francis sa Amerika noong 2015, sinabi niya sa harap ng mga obispo roon: “Harsh and divisive language does not befit the tongue of a pastor, it has no place in his heart; although it may momentarily seem to win the day, only the enduring allure of goodness and love remains truly convincing.” Hindi marapat sa isang tunay pastol ang pananalitang marahas at nakapaghahati, wala puwang ang mga ito sa kanyang puso. Bagamat maaaring magbigay ng pakiramdam ng tagumpay laban sa mga pinatutungkulan ang mga salitang ito, pangmatagalang bighani ng kabutihan at pag-ibig ang tanging kapani-paniwala sa lahat.
Ngunit malakas ang loob ng mga mararahas magsalita sa kanilang kapwa at nagpapalaganap ng baluktot na mga pananaw, hindi lamang dahil may mga sang-ayon sa kanilang sinasabi at ginagawa. Nagpapatuloy sila dahil sa katahimikan ng marami sa atin. At sa pananahimik na ito, mistulang tinatanggap natin ang paghamak sa ating pananampalataya. Sa hindi natin pag-imik, tinatanggap nating walang problema sa pag-abuso sa mga babae o sa pagtiklop natin sa mga mapang-aping bansa. Sa pagtikom natin ng ating mga bibig, tinatanggap natin ang karahasan, pananakot, at kultura ng kamatayan.
Mga Kapanalig, sa ating pananahimik, nagiging bahagi tayo ng napakalaking kabalintunaang umiiral sa ating bayan, ng kabalintunaang yumuyurak sa dignidad ng ating kapwa at karangalan ng ating bayan. Kailan kaya mababasag ang katahimikan?
Sumainyo ang katotohanan.