270 total views
Mga Kapanalig, nahaharap sa reklamong inihain sa Office of the Ombudsman si Lorraine Badoy, undersecretary ng Presidential Communications Operations Office (o PCOO) at tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC). Matapos ang isang taóng pagtitiis at pagninilay, nagpasya si Ginang Zena Bernardo, ina ni Ana Patricia Non na kilalang nagsimula ng community pantry sa kasagsagan ng pandemya noong isang taon, na magsampa ng reklamo laban kay Usec. Badoy. Nag-ugat ang kaso sa pag-red-tag ng opisyal kay Ana Patricia (o Patreng) na ayon kay Ginang Bernardo ay nagdulot ng “mental at psychological torture” sa kanyang anak.
Kalagitnaan ng Abril noong nakaraang taon nang ikinalat ng Facebook page ng NTF-ELCAC ang isang post na iniuugnay si Patreng sa mga komunista. Ginamit lang daw ang mga community pantries ng mga komunista upang makapag-recruit ng mga bagong miyembro. Kahit walang ebidensya ang paratang na ito, ibinahagi ito ni Usec. Badoy sa kanyang Facebook page at sinabing modus operandi lamang ng mga rebelde ang mga community pantries na ang tanging layunin lamang ay punan ang pagkukulang ng gobyerno sa pamamahagi ng pagkain sa mga nagugutom dahil ng lockdown. Sa kanyang inihaing reklamo, hinihiling ni Ginang Bernardo ang suspensyon ni Usec. Badoy mula sa kanyang opisina. Nais din niyang magkaroon ng pagdinig upang matukoy ang mga pananagutan ni Usec. Badoy.
Ito na ang ikaanim na reklamong naisampa laban kay Usec. Badoy dahil sa ginagawa niyang red-tagging. Nitong Marso, inireklamo rin siya ng mga progresibong grupong katulad ng Kilusang Mayo Uno, Pamalakaya, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas dahil sa pag-uunay niya kay VP Leni Robredo sa mga komunista. Ganito rin ang ginawa ng mga grupong Filipino Nurses United at Alliance of Health Workers na nanawagang ipawalambisa ang doctor’s license ni Usec. Badoy dahil sa ginagawa niyang pangha-harass at pag-red-tag sa mga health workers. Sinampahan naman siya ng kaso ni Nobel laureate at mamamahayag na si Maria Ressa na tinawag ni Usec. Badoy na “mouthpiece of enemies of the state,” “sociopath” at “liar.”
Hindi biro at lubhang delikado ang tawaging komunista at kalaban ng estado, lalo na sa isang lipunang mababaw ang pag-unawa sa mga ideolohiya at mabilis manghusga ang mga tao. Nakadidismaya ring mga opisyal pa ng gobyerno ang gumagawa ng red-tagging nang walang batayan o matibay na ebidensya. Salungat ang kanilang ginagawa sa ika-siyam na sampung utos ng Diyos sa Exodo 20: “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.” Tandaan sana ng ating mga lider sa pamahalaang sila ang dapat maging halimbawa ng pagsasabi ng totoo, hindi ng pagsisinungaling at paninirang-puri.
Sa kanyang homilya noong Biyernes Santo, sinabi ni Bishop Ambo David ng Kalookan na maging si Hesus ay para ding biktima ng red-tagging noong panahon niya. Kasama ang mga mangingisda ng Galilea bilang mga apostol, pumunta sila sa mga liblib na lugar, nakihalubilo sa mahihirap, tumulong sa mga maysakit, at nagpangaral tungkol sa katarungan. Kaanak pa niya ang propetang si Juan Bautista na maanghang din ang mga salitang binibitawan. Itinuring na subersibo si Hesus, at ginamit ito ng mga kalaban niya upang mapatawan siya ng parusang pagpapako sa krus. “Subversion (o paglaban sa gobyerno) ang krimeng ikinamatay ni Hesus,” ani Bishop Ambo.
Mga Kapanalig, subaybayan natin ang itatakbo ng mga kaso laban kay Usec Badoy. Nawa’y lumabas ang katotohanan, mapanagot ang mga dapat panagutin, at mabigyan ang mga taong ginigipit gamit ang kasinungalingan tungkol sa kanila ng pagkakataong maipagtanggol ang kanilang sarili. Naniniwala tayong hindi pababayaan ng Panginoon ang mga kumikilos upang itaguyod ang dignidad at kapakanan ng kanilang kapwa, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan.