1,210 total views
Mga Kapanalig, ngayong araw ang opisyal na pagbabalik klase sa mga pampublikong paaralan. Ayon sa Department of Education (o DepEd), handa na ang higit 46,000 pampublikong paaralan upang tanggapin ang mga magbabalik-eskwela.
Parami nang parami ang bilang ng mga batang nag-e-enroll taun-taon. Noong 2017, mahigit 26 milyong mag-aaral ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong elementary at high schools. Ngayong taon, inaasahang aabot sa 28 milyong bata ang magbabalik-eskwela.
Bagamat libre ang matrikula sa mga pampublikong paaralan, ilan kayang mga bata ang nakakapagtapos ng kanilang pag-aaral? Sa tala ng DepEd, 8 sa bawat 10 mag-aaral na pumapasok ng elementary ang nakakapagtapos ng Grade 6. Sa high school naman, 7 lamang sa kada 10 pumapasok ang nakakapagtapos ng Grade 10. Mas marami naman sa mga nasa high school kumpara sa mga nasa elementarya ang nag-da-dropout bago matapos ang taon: 2.7 percent sa elementary at 6.6 percent naman sa high school.
Ang mas nakalulungkot, may batang hindi man lang nakatungtong sa paaralan. Ayon sa datos ng pamahalaan, 1.2 milyong batang Pilipino ang hindi nakakapag-aral. Ayon sa Save the Children, isang international NGO na nagtataguyod ng karapatan ng mga bata, mistulang pagnanakaw ng pagkabata ng mga paslit ang kawalan nila ng pagkakataong makapasok sa eskuwelahan. Batay sa End of Childhood Index na ginagamit ng Save the Children upang sukatin kung gaano kalubos na nararanasan ng mga bata ang kanilang pagkabata, pang-96 tayo sa 172 na bansa. Batay ito sa access sa edukasyon ng mga bata at kalidad ng kanilang nutrisyon. Tiningnan din ang mga kalagayang nagnanakaw ng pagkabata ng mga musmos gaya ng sapilitang paggawa, maagang pag-aasawa at pagbubuntis, at pagiging biktima ng karahasan.
Karapatan ng bawat batang makapag-aral. Kung kaya’t sa nakaraang Universal Periodic Review kung saan sinuri ang kalagayan ng karapatang pantao dito sa ating bansa, inirekomenda sa Pilipinas ng mga bansang miyembro ng United Nations na paglaanan ng mas mataas na budget ang pampublikong edukasyon. Iminungkahi ring palakasin ang alternative learning system at tiyaking libre ang pag-aaral upang magkaroon ng access sa edukasyon ang mga batang nasa malalayong lugar gaya ng mga katutubo, mula sa mahihirap na pamilya, kabilang sa LGBT, at may kapansanan. Tinanggap naman ng ating pamahalaan ang mga rekomendasyong ito ng UN at sinabing gagawin nila ang mga ito. Dapat nating bantayan kung maisasakatuparan ang mga ito upang matiyak na ang edukasyon sa ating bansa ay hindi lamang de-kalidad at libre kundi inklusibo—ibig sabihin, para sa lahat ng bata, anuman ang kanilang katayuan sa buhay, kakayanan, at kasarian.
Itinuturing ng ating Simbahan ang edukasyon bilang unang hakbang sa tungo sa pag-unlad. Sa kaniyang encyclical na Populorum Progressio, inihalintulad ni Pope Paul VI ang kakulangan o kawalan ng edukasyon sa kakulangan ng makakain. Aniya, “the illiterate is a starved spirit,” gutóm ang diwa ng isang taong mangmang. Kung marunong magsulat at magbasa ang bawat bata, lalakí siyang may sapat na kakayahan upang makapagtrabaho at mapaunlad hindi lamang ang kaniyang sarili kundi maging ang kaniyang bayan. Edukasyon ang unang sandata natin laban sa kahirapan. Ito ang nagbibigay sa atin ng kaalaman upang makalahok sa ating pamayanan at makialam sa mga isyung panlipunan. Tanda ang inklusibong edukasyon ng pagkakapantay-pantay at katarungan sa lipunan.
Mga Kapanalig, higit sa pagtuturo sa mga bata kung paano magbasa, magsulat, at magbilang, ang edukasyon ay hakbang tungo sa pagpapayaman ng sarili at pagpapaunlad ng bayan. Kaya’t mahalagang nakakapag-aral ang lahat ng bata; karapatan nila ito. At tungkulin ng pamahalaang gawing inklusibo, libre, at de-kalidad ang edukasyon. Kung makakapag-aral ang lahat ng bata, darating ang araw na ang Pilipinas ay hindi lamang maunlad, kundi isang bayan kung saan walang napag-iiwanan.
Sumainyo ang katotohanan.