214 total views
Humingi ng suporta sa Simbahang Katolika ang grupo ng mga mambabatas na tutol sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Hinihimok ni Albay Cong. Edcel Lagman, House Leader ng opposition block at miyembro ng “Magnificent 7” ang mga obispo na magpadala sa kanila ng mga pag-aaral at inputs kung bakit tutol sila sa re-imposition ng death penalty.
Ayon sa mambabatas, pagsasama-samahin nila ang mga inputs na ito upang maging malakas at mapaghandaan nila ang debate dito na magaganap sa pagbubukas muli ng Kongreso sa Enero a-16, 2017.
Maliban sa mga taong-Simbahan, humingi rin ng suporta si Lagman sa iba pang civil society groups at sa mamamayan na tutol sa death penalty na ibigay ang kanilang mga apela upang makita ng mga mamambatas kung gaano kalakas ang mga nasa anti-death penalty.
“Kaya hinihingi namin ang inputs ng mga tutol sa death penalty gaya ng Simbahang Katolika at pagsasama samahin namin yan para mapaghandaan naming mabuti ang debate sa Enero. Mahalaga din ang suporta ng taong bayan, na baka kung Makita ng mga kongresista yan, eh dumami na ang tutol diyan, kalaban natin maging ang Pangulong Duterte dahil malinaw na sinabi niya ibabalik niya ang parusang bitay. Kailangan naming ang support ng civil society, ng Simbahan at iba pang sektor na tutol sa death penalty, kami naman ay kinatawan ninyo.” Pahayag ni Lagman sa panayam ng programang Veritasan.
Nauna ng pumasa sa Committee level ang panukalang re-imposition ng death penalty at pag-uusapan na ito sa plenaryo sa pagbubukas ng Kongreso.
Idinagdag pa ni Lagman na hindi na kailangan ang death penalty lalo na at umiiral na ngayon ang extrajudicial killings sa mga pinaghihinalaang mga kriminal na dapat sa halip na bawian ng buhay ay bigyan ng pagkakataon na magbagong buhay.
“Magkaisa tayo, merun na tayong EJK at dadagdagan mo pa ng death penalty na yan ay culture of violence pareho, ang murderer ang estado sa death penalty, ang EJK hindi inaamin na sanction by the state.” Ayon pa sa mambabatas.
Binigyang diin pa ni Lagman na hindi deterrent o nagpapaudlot ng krimen ang death penalty at napatunayan na ito sa ibat-ibang mga bansa.
Sa katunayan sa Pilipinas, bagamat umiiral na ang EJK, nagpapatuloy pa rin ang krimen
“Bakit nagpapatuloy pa rin sila sa paggawa eh alam na nilang may EJK, yan ang classis argument na hindi deterrent, kasi walang takot ang mga tao kaya hindi deterrent, dahil ang drug menace ay not only a police problem but a property and health problems sa ibang bansa, na nagsimula sila sa violence against drug menace, hindi sila nag succeed, like Thailand and Columbia.” Pahayag pa ng ni Lagman.
Una ng pinayuhan ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang mga mambabatas maging ang gobyerno na ayusin muna ang sistema ng katarungan (justice system) sa bansa sa halip na ibalik ang death penalty.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komisyon, maraming flaws ang justice system sa bansa na kailangan ng agarang solusyon gaya na lamang ng may mga naco-convict na hindi naman mga tunay na salarin.
Sa pinakahuling World Congress Against Death Penalty na kada ikatlong taon ginaganap at nang magsimula ito 18 taon na ang nakalilipas 140 mga bansa na ang nagtanggal ng parusang bitay kabilang na dito ang Pilipinas dahil sa hindi naman napatunayang nagpababa ito ng krimen.
Sa social doctrine of the Church, ang kapatawaran pa rin ang dapat manaig at hindi ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen lalo na at hindi rin ito akma sa Christian values at nananatili ang Simbahan sa pagsunod sa utos ng Diyos na “Thou shall not kill”.