349 total views
Aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kailangang-kailangan pa ng Pilipinas ang Amerika sa panahon ngayon.
Ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, sa isinasagawang AFP modernization, kailangan pa ng kasundaluhan ang abiso at technical advise ng US upang maayos itong maipatupad.
Sinabi ng Heneral na kung nabigyan lamang ng tamang ayuda ang AFP at napalakas ito alinsunod sa ating nais bilang malayang bansa ay hindi na sana kailangan ng Pilipinas ng tulong buhat sa ibang mga bansa.
Dagdag pa ni Padilla, sa ngayon kulang ang pondo ng militar dahil ito ay sapat lamang sa pasahod at sa pang-araw-araw na maintenance at walang sumosobra upang ipambli ng mga bagong kagamitan.
“So ngayon na nagkakaroon tayo ng modernization ang kanilang (US) abiso at pagtulong at technical advise ay hinihingi po natin para maayos nating maisagawa yan, kailangan natin ang US sa mga panahong ito, kung talagang nabigyan ng tamang ayuda ang AFP at napalakas natin alinsunod sa ating gusto bilang malayang bansa hindi na natin kailangan ang tulong ng ibang bansa, kaso tayo ay nagsisimula pa lamang magpalakas dahil ang pondong sa AFP ay sakto lamang ngayon sa sahod at sa maintenance ng ating pang araw-araw na pangangailangan, walang natitira na capital outlay para bumili at magpalit ng mga lumang kagamitan o bumili ng bagong kagamitan na kailangan natin upang magampanan ang ating constitutional duty. Ngayon pa lamang tayo nagsisimula kaya Kailangan i-leverage natin ang ating mga alliance at pagbutihan ang ating relationship sa mga bansang nais tumulong sa atin habang ang pagpapalakas ay ginagawa pa lamang natin,” pahayag ni Brig. Gen. Padilla sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon kay general Padilla, nagpadala sila sa Department of National Defense ng ‘request for clarification’ kaugnay sa mga anunsiyo ng Pangulong Rodrigo Duterte may kinalaman sa relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos maging sa ibang mga bansa.
Ito ay upang makapagbigay sila ng kanilang mga puntos na kailangang punuan ng pamahalaan at ito ay tinugunan naman ng Pangulong Duterte na nangakong magbibigay ng sapat na pondo para sa AFP modernization.
“Kami ay bureau ng DND kaya nagpadala kami ng ‘request for clarification’ sa mga anunsiyo ni Pangulong Duterte dahil kung ano ang magiging desisyon niya, dahil kami ay nasa ilalim ng kanyang pamunuan ay sasang-ayon tayo sa kanya, pero ibibigay natin ang ating mga puntos na kailangang punuan ng ating pamahalaan so ang aming nakuha sa ating Mahal na Pangulo sa pagbisita sa atin nitong nakarang mga buwan at linggo gina-garantiya niya na bibigyan niya ang AFP ng angkop na pondo para sa modernisasyon at capability buildup, at kami ay nagpapasalamat gaya ng nagdaang administrasyon napakalaki ng naibigay na ayuda sa AFP at ganun din ang inaasahan naming sa mahal na pangulo,” ayon pa sa AFP spokesman.
Una ng inihayag ng Pangulo na humihiwalay na ito sa Amerika sa usaping militar at ekonomiya.
Sakaling masira ng tuluyan ang relasyon ng US at ng Pilipinas, nasa 3.4 milyon ang mga Filipino na nasa Amerika na magsasakripisyo lalo na at malaki ang kontribusyon nila sa ekonomiya ng bansa kung saan nitong first quarter ng 2016 may bahagi sila sa $11.9 bilyon na personal remittance ng mga Overseas Filipino Workers.
Inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran, kinakailangan ang pagkakaisa ng mga bansa at ng bawat mamamayan para na rin sa kapakinabangan ng nakararami.