2,822 total views
Hindi hadlang ang pagkakaiba ng paniniwala at relihiyon sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Ecumenical Affairs executive secretary Bro. Robert Samson, ang pagpapaigting ng ugnayan sa pagitan ng kristiyanong katoliko at ibang denominasyon ang nagbubuklod sa bawat isa tungo sa pagkakaroon ng mapayapang lipunan.
Kabilang si Samson sa mga nakibahagi sa matagumpay na unang taon ng Ecumenical Walk for Creation 2023 na ginanap sa Christ the King Mission Seminary sa Quezon City.
“Kaya maganda ‘yung sinabi ni [Fr. Michael Flores, OFM Cap.] na i-upgrade natin ‘yung interconnectedness which means i-upgrade ‘yung reciprocal life natin for one another. Kasi ‘yun ang strength ng ecumenism e. From there, they will know that you are my disciples if you love one another. So, if na-increase natin ‘yun, among us, it follows even the care of creation kasi alam namin yung pangangailangan ng isa’t isa.” bahagi ng pahayag ni Samson sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ng opisyal ng CBCP na isang halimbawa ng magandang ugnayan sa pagitan ng ibang denominasyon ang layuning sama-samang pagkilos bilang mabubuting katiwala ng sangnilikha alang-alang sa kapakanan ng kalikasan at ng mga susunod pang henerasyon.
Hinikayat naman ni Samson ang mga mananampalataya na sa pagdiriwang ng Season of Creation ay higit pang pagnilayang mabuti ang mga pagpapasya lalo na kung makakaapekto sa inang kalikasan.
Tinukoy din ang sapat-lifestyle na tinuturuan ang lahat na maging matipid, at maiwasan ang pag-aaksaya at paglikha ng basura bilang bahagi ng tungkuling pangalagaan ang kapaligiran.
“Kaya napakaimportante na kung ano ‘yung nasa paligid natin ay kailangang pangalagaan natin. Inaanyayahan natin talaga ang lahat na gawin n’yo na makita n’yo na ang buong kalikasan ang buong sangnilika ay ang ating tahanan. At tayo ang tagapagtaguyod, tagapangalaga na ginawa ng Panginoon. malaking karapatan yan at malaking responsibility and duty.” ayon pa kay Samson.
Maliban sa CBCP-ECEA, nakatuwang ng Laudato Si’ Movement Pilipinas sa Ecumenical Walk for Creation ang Philippine Council of Evangelical Churches, at National Council of Churches in the Philippines.