295 total views
Mga Kapanalig, dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na nagdulot naman ng pagmahal ng maraming bilihin, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang panukala ng Department of Finance (o DOF) na dalawandaang pisong ayuda kada buwan para sa mga pinakamahirap na pamilya. Matatanggap ito ng 12 milyong pamilya sa loob ng isang taon, ngunit hindi pa malinaw kung kailan ito magsisimula. Gagastos ang pamahalaan ng 33.1 bilyong piso para sa pinansyal na tulong na ito.
Ngunit napakamot ng ulo ang ilang mambabatas sa halaga ng ayudang ibibigay ng pamahalaan. Kung kukuwentahin daw, hindi pa aabot sa pitong piso bawat araw ang ayudang ito, halos walang epekto sa maliit na kinikita ng isang mahirap na pamilya, kung mayroon man silang hanapbuhay o pinagkakakitaan. Hindi pa nga ito sasapat upang makapagbayad ng pamasahe sa jeep na nais ding taasan ng mga tsuper at operators mula siyam na piso hanggang kinse pesos.
Ang panukala ng ilang mambabatas: suspindehin ang pagpapataw ng excise tax o buwis sa inaangkat na langis. Ayon kay House Deputy Minority Leader Representative Stella Quimbo ng Marikina, kung handa ang DOF na gumastos ng 33 bilyong piso para sa ayuda, handa rin siguro ang pamahalaang pakawalan ang halagang ito mula sa 105 bilyong pisong tinataya ng DOF na nakukulekta mula sa buwis sa langis. Nagmatigas naman ang administrasyong Duterte na pananatilihin ang pagpapataw ng excise tax sa langis dahil dito raw kukunin ng pamahalaan ang suweldo ng ating mga guro, ang badyet para sa mga imprastrakturang ipinatatayo, at iba pang gastusin ng pamahalaan.
Ngunit noong isang linggo, inatasan ni Pangulong Duterte ang DOF na itaas ang ayuda sa limandaang piso. Napakaliit daw ng dalawaandaang piso lalo na para sa mga pamilyang maraming anak na kailangang pakainin. Bagamat sumang-ayon naman si Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi niyang maaaring magkaproblema ang pamahalaan sa badyet para sa ayuda pagkatapos ng anim na buwan. Sagot ni Pangulong Duterte, problema na raw iyon ng papalit sa kanya.
Wala raw pera ang pamahalaan. Wala nga ba? Bakit hindi nito habulin ang mga ninakaw ng pamilya Marcos na nagkakahalaga ng 125 bilyong piso? Hindi pa rito kasama ang estate tax na nagkakahalaga ng 203 bilyong piso na hindi pa binabayaran ng mga nagmana ng mga ari-arian at kayamanang iniwan ng yumaong diktador. Hindi fake news ang mga ito: ang Korte Suprema, Bureau of Internal Revenue (o BIR), at Presidential Commission on Good Government (o PCGG) na mismo ang nagsabing hindi pa rin nababawi ang mga ito mula sa pamilya Marcos. Kung maibabalik ang mga ito sa kaban ng bayan, hindi na siguro sasakit ang ulo ng kasalukyang administrasyon sa paghahanap ng pondo para sa ayuda sa mahihirap nating kababayan.
Hindi lamang dapat tingnan bilang tulong—at utang na loob ng mga tao sa pamahalaan—ang kakarampot na ayudang plano nitong ibigay sa mahihirap. Ito ay pagkakaloob sa kanila ng katarungan dahil sa kalbaryong kanilang dinaranas na bunga ng mga pangyayaring hindi naman nila kontrolado at ng matagal na panahong kinaligtaan ang pag-angat ng kanilang kalagayan. Sabi nga sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, kung mas marami ang ginagawang patakaran ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ng mahihirap, hindi na kailangan pa ng mga programang pansamantalang magpapagaan sa bigat na kanilang pinapasan katulad ng ilang buwang ayuda.
Mga Kapanalig, huwag nating hayaang mamayani sa ating lipunan ang mga pinunong inilalarawan sa Ezekiel 22:29 na nandaraya, nagnanakaw, at umaaapi sa mahihirap na hindi binibigyan ng katarungan ang mga tao. Kung tapat at makatarungan ang mga nasa pamahalaan, hindi lamang kakarampot na ayuda ang matatanggap ng mahihirap.
Sumainyo ang katotohanan.