1,424 total views
Hinamon ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na gumawa ng hakbang upang tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa.
Ayon sa mambabatas bawat taon nang suliranin ang blackout sa Pilipinas ngunit walang konkretong hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang krisis sa kuryente.
“Taon-taon na rin pinananawagan sa DOE at NGCP na kumilos sila pero bakit parang wala pa ring nangyayari? Both of these agencies should step up and put an end to this energy crisis once and for all,” pahayag ni Hontiveros.
Sinabi ng senador na dapat maging transparent ang DOE at NGCP sa suplay gayundin sa singil ng kuryente kasunod ng pagkasira ng Bolo-Masinloc transmission lines ng NGCP na nagdulot ng blackout sa Luzon at Visayas.
Iginiit ni Hontiveros na dapat paninindigan ng ahensya ang pangakong sapat at matatag ang suplay ng kuryente sa bansa sa kabila ng pagtaas ng demand.
Pangamba ng opisyal na ang kawalang sapat na kuryente sa bansa ang magiging basehan upang ipagpatuloy ang napipintong nuclear power.
“Nagbibigay lang ito ng pagkakataon na maipuslit ang nuclear option sa bansa at sabihing ito ang mabilisang solusyon sa problema,” giit ni Hontiveros.
Mungkahi ng mambabatas sa pamahalaan na paigtingin ang pagpapaunlad sa renewable energy system na mas matatag, malinis at ligtas na gamiting pagmumulan ng enerhiya.
Nauna nang nanawagan ang simbahang katolika na pagtuunan ng pansin ang pamumuhunan sa malinis na magkukunan ng enerhiya sa kapakinabangan ng kalikasan at mamamayan.