355 total views
Iminungkahi ng Ecology Ministy ng Archdiocese of Manila ang rehabilitasyon ng Wawa dam kaugnay na rin sa lumalalang problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay Lou Arsenio, matagal na panahong umasa ang mga taga-Metro Manila sa Wawa dam na matatagpuan sa lalawigan ng Rizal na ipinasara dahil sa polusyon.
“Sinasabi na namin na bakit hindi i-restore at irehabilitate ang Wawa Dam. Wawa dam ito ang orihinal na pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila since the time of the Americans. Dinekomisyon nila yun ang rason polluted,” ayon kay Arsenio.
Ayon kay Arsenio ay maari itong muling ipasaayos sa halip na magtayo ng panibagong dam na makakaapekto naman sa katutubo at kalikasan lalu na ang Kaliwa dam sa Sierra Madre.
Una ng nagpahayag ng pagtutol si Infanta Bishop Bernardito Cortez sa panulang pagtatayo ng Kaliwa dam dahil sa panganib nito sa kalikasan lalu na sa mga naninirahan doon kabilang na ang mga katutubo.
Mungkahi din ni Arsenio sa mga residente sa Metro Manila na maging responsable paggamit ng tubig.
“Tayo as individual citizen paano ba tayo gumagamit ng tubig,” giit ni Arsenio.
Ayon kay Arsenio, kabi-kabila na rin sa ngayon ang mga laundry shop na higit pang nagpapalaki sa demand ng tubig lalu’t ito’y nangangailangan ng maraming tubig para sa laundy operation.
“Marami masyadong demand ng tubig, at hindi rin talaga nagtitipid ang mga residente. Ikalawa, maraming wastage ng tubig at ang sobrang paggamit ng washing machine,” ayon kay Arsenio.
Ang Pilipinas ay may labing pitong dam na pinagkukunan ng tubig kung saan nakatakda ding ipatayo ang Kaliwa dam sa Infanta Quezon para magsupply ng tubig sa Metro Manila.