227 total views
Umaasa si Fr. Lito Ocon, S.J. na nawa’y huwag mawalan ng pag-asa ang bawat isa sa kabila ng mga nagaganap na usapin at suliranin sa lipunan.
Ayon kay Fr. Ocon, head chaplain ng Philippine General Hospital Chaplaincy, dahil sa paghahanda para sa Election 2022, ay naisasantabi na ng pamahalaan ang kalagayan ng mga mahihirap maging ang mga medical workers.
Hinikayat din ng pari ang mamamayan na pumili lamang ng tapat at totoong lingkod-bayan na nakahandang tumupad sa mga pangako para sa kapakanan ng mamamayan.
“Patuloy man ang paghihirap ng mga mahihirap at may sakit, nahihirapan man at napapagod na ang mga health workers, sana ‘di tayo sumuko at sa halip [matutong] pumili ng mabuti, tapat, at totoo,” ayon kay Fr. Ocon mula sa kanyang Facebook post.
Kaugnay ito sa pasasalamat ni Fr. Ocon sa isang anonymous donor na naghandog ng 100 sako ng bigas para sa mga charity patients.
Dagdag pa ni Fr. Ocon, ang nasabing donor ay namahagi rin ng tig-isang sako ng bigas para naman sa mga watcher na nasa Emergency Room.
Samantala, hinggil naman sa paggunita sa World Day of the Poor, nauna nang iginiit ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na hindi dapat gamitin ng mga politiko ang mga mahihirap sa pangangampanya para sa 2022 national at local elections.